Nanawagan ang mga grupo ng mangingisda sa mga kandidato sa pagkapangulo na isama ang pangangalaga sa karagatan at pagpapasigla sa pangisdaan sa kani-kanilang plataporma, kaugnay ng huling presidential debate na idaraos sa Phinma University of Pangasinan sa Dagupan City bukas.
Sinabi ng Panagat, isang samahan ng may 20 non-government organization na nagsusulong ng reporma sa mga polisiya sa pangingisda, na kabilang ang Pilipinas sa mga bansang pangunahing producer ng isda sa mundo, ngunit bigo ang mga opisyal ng gobyerno na solusyunan ang pagpapaunlad sa pangisdaan at pangangalaga sa mga yamang-dagat.
Iniulat ng National Stocks Assessment Program ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na 10 sa 13 pangunahing pangisdaan sa bansa ay overfished.
Kasabay nito, kinumpirma ng Philippine Statistics Authority na kabilang ang mga mangingisda sa “poorest of the poor”.
“Our way of life is closely connected to the sea. Our leaders must address these pressing issues, and uphold our constitutional right to healthy oceans,” sabi ni Atty. Gloria Estenzo Ramos, vice president ng Oceana Philippines, na isa sa mga kasapi ng Panagat.
Bukod sa Oceana, kasapi rin ng koalisyon ang mga NGO para sa Fisheries Reform, WWF-Philippines, at Greenpeace.
Ipiprisinta ng grupo ang “Philippine Blue Agenda for Sustainable Fisheries” sa ikatlo at huling debate ng mga kandidato sa pagkapresidente sa Dagupan bukas. (Ellalyn B. De Vera)