DAGUPAN CITY, Pangasinan – Nailigtas ang isang dalaga na pinigil ng mga miyembro ng Budul-Budol Gang matapos itong makapag-text sa pulisya na nagresulta sa pagdakip sa anim na suspek sa siyudad na ito.

Kinilala ni Supt. Christopher Abrahano, hepe ng Dagupan City Police, ang biktimang si Angeli Jean Ramos, 23, dalaga, ng Arellano Street, Dagupan City.

Dakong 11:40 ng umaga nang maaresto nitong Abril 20 sa Dagupan City sina Jaime Salas, 53, may asawa, vendor, ng Pag-Asa St., Quezon City; Moises Dehan, 53, driver, ng Bgy. Cupang, Muntinlupa City; Edinel Tanares, 34, driver, ng Imus, Cavite; Renaliza Cartuasiano, 36, ng Bagong Barrio, Caloocan City; Cristina Castro, 44, ng Pandi, Bulacan; at Maridel Adalla, 33, ng San Fabian, Pangasinan.

Ayon sa imbestigasyon, dakong 9:00 ng umaga at kalalabas lang ni Ramos sa bangko nang lapitan siya ni Cartusiano na nagpanggap na negosyante at naghahanap ng decal stone.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa patuloy na pagkumbinse, katulong ang lima pang suspek, naisakay ang biktima sa isang Hyundai Tucson (BCW-300) at nauto na ilabas ang P3,000 na kanyang na-withdraw.

Humingi pa ng karagdagang pera ang mga suspek at nang sinabi ni Ramos na bababa na siya ay pinigil siya ng mga suspek kaya nagpanggap siyang magte-text sa isang kakilala, pero sa kaibigang pulis siya nagpadala ng mensahe ng saklolo, hanggang natunton sila. (Liezle Basa Iñigo)