MATAGAL nang bahagi ng American scene ang mga Pilipino. Sa unang bahagi ng buwang ito, opisyal na itong kinilala ng siyudad ng San Francisco sa California nang itatag ang isang Filipino Cultural District sa South of Market (Soma) ng lungsod. Tatawagin itong Soma Pilipinas.
Batay sa kasaysayan, narating na ng mga Pilipino ang North America noon pang ika-16 na siglo. Sa Galleon Trade sa pagitan ng Maynila at Acapulco sa Mexico na namayagpag mula 1565 hanggang 1815, maraming Pilipinong manlalayag na sakay sa mga Spanish galleon ang nakarating sa New World, kabilang na sa Louisiana at sa iba pang dako ng katimugan at kanlurang United States. Makaraang isuko ng Spain ang Pilipinas sa Amerika noong 1898, maraming Pilipinong manggagawa sa agrikultura ang nagtungo sa California at Hawaii. Ang sumunod na imigrasyon ng mga Pilipino ay nagsimula matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig—karamihan ay bilang mga war bride, bagong kasapi ng US Navy, estudyante, nurse at iba pang health care worker. Makalipas ang 1965, lumobo ang bilang ng mga edukadong propesyunal na naging migrante.
Sa kasalukuyan, binubuo ng mga Pilipino ang isa sa pinakamalalaking grupo ng mga dayuhan sa Amerika. Simula 1990, kabilang ang Pilipinas sa limang pangunahing bansa na maraming mamamayan sa Amerika, kahilera ang Mexico, India, China, at Vietnam. Noong 2013, binuo ng mga Pilipino ang 4.5 porsiyento ng kabuuang 41.3-milyong immigrant sa Amerika, ayon sa mga opisyal na tala. At 43 porsiyento ng lahat ng Pilipino sa Amerika ay nakatira sa California, karamihan ay nasa Los Angeles at San Diego.
Ngunit sa San Francisco binigyan ang mga Pilipino ng sarili nilang Soma Pilipinas, sa bisa ng isang resolusyon na pinagtibay ng San Francisco City and County Board of Supervisors. Nasa distritong Pinoy na ito ang una at nag-iisang paaralang elementarya na may curriculum sa wikang Filipino. Mayroon din ditong isang Filipino performing arts center at isang Filipino Masonic temple. May parker in na ipinangalan sa isang Filipino-American Olympic diving champion at ilang kalsada ang nagbibigay-pugay sa mga bayaning Pilipino, kabilang sina Rizal, Bonifacio, Mabini, Lapu-Lapu, at Tandang Sora.
Dahil sa Filipino diaspora, marami nang Pilipino ang nakakalat ngayon sa lahat ng sulok ng mundo, karamihan ay nasa Amerika pero mayroon din sa Saudi Arabia, sa United Arab Emirates, Canada, at Japan. Nagawa nilang mamuhay at magtrabaho nang maayos sa mga bansang kanilang kinaroroonan, habang napapanatili ang ugnayan sa kani-kanilang pamilya at komunidad sa Pilipinas. At ngayon, may Soma Pilipinas na sa San Francisco. Sa mga susunod na taon, posibleng tanggapin at kilalanin na rin ng iba pang mga bansa ang mga Pilipino sa pamamagitan ng kaparehong Pilipinas community upang manatiling buhay ang mga pambihirang tradisyon ng ating bansa saan mang sulok ng mundo naroon ang mga Pilipino.