BAGUIO CITY - Selos ang dahilan sa pagbaril sa sarili ng isang security guard na lesbian matapos niyang barilin ang kanyang live-in partner na security guard din habang naka-duty ang huli sa compound ng City Engineering Office-Motorpool sa Lower Rock Quarry, nitong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ang nag-suicide na si Marjorie Padloc Dichoso, 36, habang ang partner niyang si Janet Aquino Soriano, 32, ay ginagamot ngayon sa Baguio General Hospital.
Konektado ang dalawang guwardiya sa Interlink Security Agency at kapwa nakatira sa Rockyside sa Barangay Lubas, La Trinidad, Benguet.
Ayon kay Baguio City Police Office Director Senior Supt. George Daskeo, bitbit ang kanyang .9mm calibre na service firearm, nagtungo si Dichoso sa compound na binabantayan ni Soriano dakong 6:55 ng gabi.
Sinabi ni Daskeo na batay sa pahayag ni Romel Fuentes Adante, 42, duty guard sa entrance gate, pinapasok niya si Dichoso dahil alam niyang dadalaw ito kay Soriano pero hindi niya alam na may dala itong baril.
Mayamaya pa, biglang nakarinig ng putok ng baril si Adante hanggang sa makita niyang nakabulagta si Soriano, habang nakatayo sa tabi nito si Dichoso, hawak ang baril.
Ayon kay Adante, sinabihan niya si Dichoso na kumalma at ibaba ang baril, pero itinutok iyon ng suspek at kinalabit ngunit suwerteng hindi pumutok.
Mabilis na nag-reload ng bala si Dichoso at pinutok ang baril sa sariling ulo, na agad nitong ikinamatay.
(Rizaldy Comanda)