NEW YORK (AP) – Apat na buwan matapos magkasundo sa global climate agreement sa Paris, nagtungo ang mga opisyal ng gobyerno sa New York nitong Biyernes para lagdaan ang kasunduan sa isang seremonya sa United Nations kasabay ng pagdriwang ng Earth Day.

Narito ang ilan sa mga pangunahing elemento ng Paris Agreement on Climate Change, ang unang kasunduan na inoobliga ang lahat ng mga bansa na makiisa sa paglaban sa global warming.

TEMPERATURE GOAL: Layunin ng kasunduan na panatilihin “well below” 2 degrees Celsius (3.6 degrees Fahrenheit) ang pagtaas ng mga temperatura sa mundo kumpara noong panahon bago ang industriyalisasyon. Sa level na ito, naniniwala ang mga scientist na maiiwasan ang pinakamalalang epekto ng climate change. Kabilang din sa kasunduan ang adhikaing malimitahan ang pagtaas ng mga temperatura sa 1.5 degrees C (2.7 degrees F). Tumaas na ang mga temperature ng halos 1 degree C (1.8 degrees F) simula nang industrial revolution.

INDIVIDUAL TARGETS: Inoobliga ang mga bansa na magtakda ng kanilang national target sa pagbawas o paglimita sa kanilang greenhouse gas emissions. Ang mga target na ito ay hindi legally binding, ngunit kailangang iulat ng mga bansa ang kanilang progreso at i-update ang kanilang mga target kada limang taon. Magsisimula ang unang cycle sa 2020. Tanging ang mauunlad na bansa ang inaasahang magbawas ng kanilang emissions in absolute terms. Ang mga umuunlad pa lamang na bansa ay hinihikayat na gawin din ito habang tumataas ang kanilang kakayahan sa paglipas ng panahon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

TRANSPARENCY: Walang parusa kapag hindi naabot ng mga bansa ang kanilang emissions targets. Sa halip, umaasa ang mga kasunduan sa transparency rules upang mahikayat ang mga bansa na tuparin ang kanilang mga ipinangako. Kailangang mag-ulat ng lahat ng bansa sa kanilang mga pagsisikap na mabawasan ang kanilang emissions. Ngunit pinapayagan ang ilang “flexibility” para sa mga umuunlad na bansa na kailangan ito, na siyang pangunahing hiling ng China.

MONEY: Nakasaad sa kasunduan na ang mayayamang bansa ay dapat na patuloy na mag-alok ng suportang pinansiyal upang matulungan ang mahihirap na bansa na mabawasan ang kanilang emissions at maka-adapt sa climate change. Hinihikayat din nito ang ibang bansa na boluntaryong mag-ambag. Hindi binanggit sa kasunduan ang aktwal na halaga, ngunit una nang nangako ang mayayamang bansa na magkakaloob ng $100 billion bawat taon sa climate finance pagsapit ng 2020.

LOSS AND DAMAGE: Sa isang tagumpay para sa maliliit na island nations na nanganganib sa pagtaas ng dagat, isinama sa kasunduan ang isang section na kumikilala sa “loss and damage” na may kaugnayan sa climate-related disasters.

Matagal nang tumututol ang U.S. na talakayin ang isyu sa kasunduan, nababahala na magbubunga ito sa claims of compensation for damage na dulot ng matitinding panahon. Sa huli, isinama ang isyu ngunit nakasaad sa footnote na hindi kabilang ang loss and damage sa liability o kompensasyon.

WITHDRAWAL: Magkakabisa ang kasunduan 30 araw matapos makumpleto ng 55 bansa, na katumbas ng halos 55 porsiyento ng global greenhouse gas emissions, ang ratification process. Maaaring umurong sa kasunduan, ngunit hindi sa unang tatlong taon matapos itong ipatupad. Mayroon ding one-year notice period, kayat ang pinakamaaga na maaaring kumalas ang isang bansa ay apat na taon matapos pagtibayin ang kasunduan.