Hindi pa binabawi ng International Boxing Association (AIBA) ang imbitasyon kay eight-division world champion Manny Pacquiao para makalaro sa Rio Olympics sa Agosto.

Ayon kay Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) Executive Director Ed Picson, hinihintay lamang umano ng AIBA ang kumpirmasyon mula kay Pacman sa kanyang pagsabak sa quadrennial Games.

“The last time we talk, sabi niya ay tatapusin muna niya ang laban niya kay (Timothy) Bradley. Alam ko na busy naman siya sa kampanya, but the AIBA is just waiting for his confirmation,” sambit ni Picson.

Kamakailan, inirekomenda ni AIBA president Dr. Ching-Kuo Wu sa Board ang pagbibigay ng pagkakataon sa pro fighter na lumaban sa Olympics. Wala pang pormal na desisyon ang Board hinggil dito.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sakaling magkalinawan sa pag-uusap sa pagitan ng AIBA, ABAP at ni Pacquiao, inaasahang mapapasabak ang kasalukuyang kampeon sa World Boxing Organization (WBO) sa light welterweight category.

Hindi lamang si Pacquiao ang nagnanais na makasabak sa prestihiyosong Rio Olympics kung saan kumpirmado na ang paglahok ni World Heavyweight champion Vladimir Klitscko ng Russia, dating Olympic gold medalist.

Inihayag din ni Picson na asam ng ABAP na makapagkuwalipika pa sa apat na dibisyon ang Pinoy fighter sa pagsabak nito sa huling torneo sa Hunyo.

Una nang ipinadala sina Rogen Ladon (light flyweight, 49 kg.), Roldan Boncales (flyweight, 52 kg.), Mario Fernandez (bantamweight, 56 kg.), Charly Suarez (60 kg.), Eumir Felix Marcial (welterweight, 69 kg.), at ang tanging babae sa delegasyon na si Nesthy Petecio (women’s flyweight, 51 kg.) sa Asia-Oceania Qualifying Tournament.

Tanging sina Ladon at Suarez pa lamang ang nakakuha ng silya sa Rio.

Inaasahan pa rin ang box-off sa pagitan ng tatlong babaeng boxers. (ANGIE OREDO)