NBI_suspectedhacker01_vicoy_210416_ copy

Kinumpirma kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) na nadakip na ang isa sa mga sangkot sa hacking at umano’y pagsasapubliko ng datos mula sa website ng Commission on Elections (Comelec).

Ayon kay NBI Director Virgilio Mendez, nasa kostudiya na ng NBI ang 23-anyos na si Paul Biteng makaraang madakip nitong Miyerkules ng gabi sa tulong ng intelligence report na kinalap ng NBI Cybercrime Division.

Batay sa mga report, naaresto ang hinihinalang hacker, na kaga-graduate lang sa kursong Information Technology mula sa Sampaloc, Maynila, matapos ang tatlong linggong digital at human surveillance.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Napaulat na hindi rin naman itinanggi ni Biteng na siya ang responsable sa defacing ng website ng Comelec.

Sinabi ni Mendez na iniimbestigahan na ng NBI Cybercrime Division ang kaugnayan ng hacker sa isang lokal na grupo ng mga Internet hackers na tinatawag na Anonymous Philippines, na una nang umako sa hacking sa Comelec website noong Marso 28.

Ang pagsasapubliko naman sa mga datos ng Comelec ay inamin ng LulzSec Pilipinas, at nagbunsod pa ng pangamba na maaapektuhan ang seguridad ng automated elections system at maging ang mga vote counting machine.

Gayunman, pinawi ng Comelec ang pangamba ng publiko at tiniyak sa mga botante na hindi kabilang ang maselang biometrics data sa database na napakialaman ng mga hacker. (ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS)