NYF 2016 copy real

INIUWI ng GMA Network ang apat na medalya at limang finalist certificates mula sa 2016 New York Festivals, na isa ang Kapuso broadcast journalist na si Kara David sa award presenters sa 2016 TV & Film Gala na ginanap sa Las Vegas noong April 19 (US time).

GMA ang nag-iisang TV network mula sa Pilipinas na nanalo ng medalya sa New York Festivals ngayong taon.

Nagwagi ang longest running documentary program na I-Witness ng bronze medal sa Community Portraits category para sa documentary nitong “Dorm 12”, tampok ang panayam ni Kara sa mga nakatatandang preso ng Correctional Institute for Women.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Tumanggap din ng bronze medal ang investigative news magazine program na Reporter’s Notebook sa Social Issues category para sa “Hikahos sa Lungsod” episode na tinalakay ni Maki Pulido ang urban migration sa Pilipinas.

Ang “Maestra Salbabida” ng Front Row ay ginawaran naman ng bronze medal para sa kategoryang Community Service Programs. Sa episode na ito, ipinakita ang isang guro sa Mindoro na tumatawid ng ilog gamit ang salbabida marating lamang ang eskuwelahan sa baryo na kanyang pinagtuturuan.

Samantala, umani rin ng bronze medal sa Human Concerns category ang Reel Time ng GMA News TV para sa documentary nitong “Isang Paa sa Hukay”. Tinalakay nito ang small-scale mining operations sa Camarines Norte.

Si Kara naman ang bukod-tanging media professional mula sa Asya na napasama bilang award presenters ngayong taon, kasama ng mga sikat na international media executives, talk show hosts at content creators.

Tatlong GMA News and Public Affairs programs naman ang tumanggap ng finalist certificates: ang kauna-unahang bayaniserye sa Philippine primetime TV na Ilustrado, ang Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie, at Brigada. Dalawang proyekto rin ng Program Support Department ng GMA Network ang nag-uwi ng finalist certificates: ang opening billboard (OBB) ng Ilustrado at ang Father’s Day plug ng GMA News TV.