Makaraang kilalanin ng Forbes magazine noong 2015 bilang isa sa mga pangunahing retirement haven sa mundo, ikinokonsidera ngayon ng Pilipinas na maging isa sa top geriatric care service providers sa daigdig, ayon sa Department of Labor and Employment (DoLE).
Sa isang panayam, sinabi ni DoLE Secretary Rosalinda Baldoz na pinag-iisipan na ngayon ng kagawaran na makipagtulungan sa Germany at Japan upang magkaroon ng pamantayan sa mga kurso sa geriatric care na iniaalok sa bansa.
Kaugnay nito, sinabi ni Baldoz na makikipagpulong siya sa Department of Health (DoH), Commission on Higher Education (CHEd), at Technical Education Skills Development Authority (TESDA) upang himukin ang mga ito na pagsama-samahin ang kani-kanilang health care courses.
“They will have to integrate or synchronize their different courses so there will be only one. This will then compared to the geriatric care standards in Japan and Germany,” paliwanag ni Baldoz.
Aniya, magpapaigting ito sa kahusayan ng mga lokal na retirement home sa bansa dahil kaya nang makipagsabayan sa ibang bansa ng mga serbisyo ng Pilipinas.
Ang hakbanging ito ng DoLE ay bahagi ng pangmatagalang layunin ng kagawaran na tugunan ang inaasahang pandaigdigang kakapusan sa healthcare worker sa susunod na 14 na taon.
Batay sa taya ng World Health Organization (WHO), 40 milyong bagong healthcare worker ang kakailanganin pagsapit ng 2030. Karamihan sa mga ito ay magmumula sa mga bansang matatanda ang populasyon, gaya ng Germany at Japan.
(Samuel Medenilla)