Nagpahayag ng pagkabahala ang vice presidential candidate na si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa mga ulat na hindi umano lumalabas ang kanyang pangalan sa mga voter’s receipt kahit na siya ang ibinoto sa balota.
“Ako ay nababahala sa ganitong report, dahil sinasabi ng Commission on Elections (Comelec) na magiging malinis ang halalan pero sa mga ganitong report na nangyayari sa ating Overseas Absentee Voting, hindi ko maiwasan na magduda kung talagang walang dayaan sa halalan,” ani Marcos.
Tinukoy ni Marcos ang isang viral video na isang overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong ang nagreklamo na pangalan ng ibang kandidato ang lumabas sa voter’s receipt kahit si Marcos ang ibinoto niya.
Sinabi ng babae, na nagpakilalang taga-Laoag City, Ilocos Norte, na inireklamo niya sa election officer sa embahada ang kanyang resibo ngunit sinabihan siya na hindi na siya maaaring bumoto uli, dahil isang balota lang ang itinakda sa bawat botante.
Kaugnay nito, hinimok ni Marcos ang Comelec na imbestigahan ang nabanggit na report at magtakda ng mga panuntunan tungkol sa mga pagkakaiba sa voter’s receipts at sa balota. (Beth Camia)