Kinondena kahapon ng kampo ng presidential aspirant na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang serye ng black propaganda na ibinabato laban sa alkalde na sa nakalipas na mga linggo ay nanguna sa mga presidential survey.
Tinawag ni Peter Tiu Laviña, tagapagsalita ni Duterte, na basura ang naglalabasang black propaganda, idinagdag na mas marami pa ang kasiraang ibinabato kay Duterte kaysa itinatambak sa mga sanitary landfill.
“These wasteful attacks do not help raise the political maturity of our electorates. Instead of presenting their platforms, the other camps are engaging in character assassinations and smear campaigns,” giit ni Laviña.
Ayon kay Laviña, ipinapakalat ng mga kalaban ni Duterte na umurong na sa kandidatura ang alkalde.
“This is outright and pathetic lie. Duterte has a mission to help our country to address the rising crime, drug abuse, corruption and poverty and he will not back down from it.”
Idinagdag pa niya ang tungkol sa sinasabing report ng National Bureau of Investigation at Presidential Anti-Smuggling Group na sangkot ang alkalde at ang anak nitong lalaki sa smuggling sa Davao.
“If this is true, cases should have been filed long ago and the Dutertes would have easily cleared their good names from these baseless accusations. Why raise this issue only now in the homestretch of the campaign?” ani Laviña.
Nauna rito, inakusahan kahapon ni Perfecto Tagalog, ng Coalition of Filipino Consumers, na kasabwat umano si Duterte nina dating National Food Authority (NFA) Administrator Lito Banayo; Davidson Bangayan, alyas David Tan; at Paolo Duterte, alyas Polong, sa malawakang pagpupuslit ng bigas at iba pang ilegal na aktibidad sa Davao Port.
Sinabi rin ni Tagalog na dati siyang tagasuporta ng alkalde at miyembro rin ng Volunteer Against Crime and Corruption (VACC), pero sa kalagitnaan ng press conference ng una ay sumugod ang mga miyembro ng VACC at itinangging kasapi nila si Tagalog.
Sa pangunguna ni Rose Roque, sinabi nilang ginagamit lang ni Tagalog ang VACC para sa pansarili nitong interes, at hindi ito miyembro ng grupo. Nag-walkout naman si Tagalog. (ALEXANDER LOPEZ at CHITO CHAVEZ)