Nagpakalat ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) ng 240 pulis na magsisilbing bus marshal sa EDSA laban sa krimen.

Ayon kay NCRPO Chief Director Joel D. Pagdilao, muling binuhay ang pagpapakalat ng bus marshal sa mga pampasaherong bus upang masawata ang mga krimen, partikular ang panghoholdap at pandurukot sa mga pasahero.

Inatasan din ni Pagdilao ang bawat distrito ng pulisya na magtalaga ng mga tauhan bilang karagdagang puwersa upang tiyakin ang seguridad ng mga pasahero sa bus, alinsunod na rin sa memorandum of understanding na nilagdaan ng samahan ng mga bus na namamasada sa Metro Manila at ng NCRPO.

Sinabi pa ng opisyal na mahalaga ang masusing koordinasyon sa awtoridad ng mga bus operator, driver at konduktor para maiwasan ang krimen sa lansangan. (Bella Gamotea)
National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros