KASABAY ng Grand Launch ng Yamaha Rev Hall sa 10th Inside Racing Bikefest sa World Trade Center sa Pasay City noong Abril 2-3, ginanap din ang kompetisyon ng pinakamahuhusay na mekaniko ng naturang Japanese motorcycle maker.
Sa tagisan ng kanilang talino at husay, sinabi ni Takeshi Yano, presidente ng Yamaha Motor Philippines, na pakay ng kumpetisyon na lalong maiangat ang propesyunalismo ng kanilang mga mekaniko sa de-kalidad na serbisyo sa Yamaha motorcycles.
Tampok sa paligsahan ang customer handling test, na rito ay ipinamalas ng mga mekaniko ang kanilang abilidad sa pagbabalik sa kinumpuning motorsiklo sa may-ari nito pagkatapos ng repair work.
Dito makikita ang pagiging magalang at maayos na pakikitungo ng isang mekaniko sa customer.
Naging mainit din ang tagisan ng galing sa practical test sa motorcycle shooting repair upang matukoy ang kanilang pangkalahatang kaalaman at talento sa pagkukumpuni sa isang unit.
Matapos ang bakbakan ng maraming contestant, tatlo lang ang natira upang tumanggap ng parangal.
Pinarangalan bilang champion si Ramel Realin, second placer si Conrado Bucar, at third placer si Arpee Orbina.
Nabiyayaan ang tatlong winner ng tig-iisang Yamaha Tri-City at gift apparel.
Samantala, si Realin ang kinatawan ng Pilipinas sa 2016 World Technician Grand Prix na gaganapin sa Japan.
Doon makikipagsabayan si Realin sa pinakamagagaling na mekaniko mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo, upang itaguyod ang talino at galing ng Pinoy.
Kabilang din sa 10 finalist sa Yamaha mechanics’ competition sina: Noel Bigay – Motorcentral, Tungkong Manga; Conrado Bucar – Des Marketing, Mandaue; Leo Dumalag – CDO2 Cycles, Cagayan de Oro; Ronnel Gallardo – New Manar, Nasugbu; Ryan de Leon – Motortrade, Taytay; Paulo de Leon – Motorlandia, Calamba; Willie Jone Hilario – Des Marketing, Kalibu; Arpee Orbina – Superbikes, Rosario; Oliver Tisoy – Megaviio Gorordo, Cebu; at Ramel Realin – Uemi, Urdaneta. (ARIS R. ILAGAN)