Hiniling ng mga atleta, trainor at coach mula sa iba’t ibang national sports association (NSA) sa Philippine Sports Commission (PSC) ang pagpapalawig ng Sports Science Seminar na kasalukuyang isinasagawa ang Series 8 at 9 sa Philsports Arena sa Pasig City.

Iginiit ni dating women’s national volleyball team member at PSL coach na si Rosemarie Molit - Prochina, na maraming bagong kaalaman ang naibahagi sa kanila kung kaya’t mas mapapalawak ang kanilang kasanayan kung magpapatuloy ang ganitong mga programa.

“It is a wonderful and very informative seminar, “ sambit ni Prochina. “Nakakahinayang at hindi ito itinuturo sa atin noong kami pa ay naglalaro sa national team. Marami talaga akong nakuhang bagong technique at nalaman din na hindi dapat isinasagawa sa training lalo na sa amin sa larong volleyball,” aniya.

Ang PSC Sports Science Seminar Series 8 at 9 ay tinampukan ng mga international sports speaker na si Dr. Scott Lyn na nagtuturo bilang Biomechanics at Strength and Conditioning expert, kasama si Dr. Wilbur Wu na isang Sports Science and Motor Learning expert.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kasama rin sa seminar si David Darbyshire na isang performance consultant ng world class athletes at itinuturing na “Body Whisperer”, gayundin si Terence Rowles na isang Sports Coaching consultant.

Itinuro naman sa seminar ang Junior Development in Sports (physical, mental and skill consideration); Exercises that can hurt you; Training for Sports; Breakdown of common sports in terms of anatomy, biomechanics and pattern; How to be a great motor learning coach; Movement in Sports and Basic First Aid (CPR).

Isa lamang si Prochina, miyembro ng pinakahuling pambansang koponan sa volleyball na nagwagi ng gintong medalya sa Southeast Asian Games, sa mga baguhang coach na dumalo sa seminar na dinaluhan ng mahigit 150 local government unit representative at lampas sa 500 coach, trainer at sports administrator. (Angie Oredo)