MARAHIL ay matututuhan na ngayon ni Mayor Rodrigo Duterte ang mag-control ng kanyang emosyon nang siya’y putaktihin ng batikos mula kina VP Jojo Binay, Sen. Grace Poe, ex-DILG Sec. Mar Roxas at Sen. Miriam Defensor-Santiago. Maging si Sen. Bongbong Marcos ay nalaswaan sa pagbibiro niya tungkol sa isang Australian missionary na napatay sa 1989 hostage incident sa loob ng Davao Prisons.
Maging ang supporters niya at ang netizens ay nadismaya sa kanyang rape joke. Dapat malaman ni Mayor Digong na kailangang igalang ang kababaihan, lalo na sa isyu ng rape, sapagkat sila ang ating ina, ginang, sister.
Ganito ang naging pahayag ni Duterte: “Napakaganda, dapat ang mayor ang mauna.” Mga preso ang gumahasa at pumatay sa magandang Australiana at sa galit ng machong alkalde, nais niyang patayin ang mga rapist. Binira niya sina Binay at Roxas na nagkondena sa kanyang rape comment. Banat ni Digong kay Binay: “Magnanakaw ka lang.” Bira naman niya kay Roxas: “You are very fussy, get yourself hostage.”
‘Di ba’t tinawag pa niyang “bayot” si Mar, at sinabi naman niyang may Parkinson’s Disease si Binay dahil sa kabibilang ng pera. Ano nga, Chel at Jet ang “bayot”?
Tinawagan niya ang CBCP na magdahan-dahan sa pagkondena bunsod ng kanyang “gutter language”. May mga pari raw na pedophile, nanggagahasa ng sakristan at bata o kaya nama’y nambubuntis ng babae. Gayunman, dahil natutuhan niya ang negatibong epekto ng rape joke, si Digong ay humingi ng kapatawaran sa mga Pilipino, pero hindi sa kanino mang indibiduwal.
Kung si Duterte ay nasa “hot seat” ngayon dahil sa mga basurang pahayag, sinabi naman ni LP Caloocan City reelectionist Rep. Edgar “Egay” Erice (2nd Dist.) na palalawakin pa niya ang mga programa sa kalusugan at kapayapaan.
Ayon kay Erice, vice chairman ng committee on public works and highways, sa ilalim ng kanyang health program, nagkaloob na ito ng P40 milyong tulong-medikal sa 20,000 residente.
Sa 100 medical mission sa bawat barangay, may 3,000 libong residente ang natulungan sa konsultasyon, gamot at wheelchair, operasyon para sa katarata. Nagkaloob din ng 5,000 libreng reading glasses. Nagkaloob din ng 300 digital blood pressure apparatus sa barangay health centers at dialysis machines sa Caloocan Medical Center.
Para mapanatili ang kapayapaan sa distrito, umalalay siya sa pagkakabit ng 34 na CCTV sa siyudad, nagbukas ng hotline upang maitimbre ang mga drug users/pushers. Nagpatayo rin si Erice ng people’s action center, nagbigay ng burial assistance sa mahigit 500 pamilya sa lungsod at namahagi ng10,000 relief goods para sa mga biktima ng sunog at bagyo. Inayudahan niya ang mga kabataan sa pagpapatayo ng gusali at silid-aralan, nagbigay ng scholarship at educational assistance sa 1,100 estudyante.
Well, kung ang mga kandidato lang ay tutupad sa pangako na hahanguin sa kahirapan ang mga nasa laylayan ng lipunan, aba, tiyak na magiging masagana ang ‘Pinas, lulusog ang ekonomiya at wala nang “magbibilang ng poste” sa paghahanap ng trabaho. (Bert de Guzman)