Nasukol ng mga pulis ang riding-in-tandem, matapos nilang holdapin ang isang binata na abala sa pagte-text sa Valenzuela City, nitong Martes ng gabi.
Sa report kay Senior Supt. Audie A. Villacin, hepe ng Valenzuela City Police, mga kasong robbery with threat and intimidation, paglabag sa Batas Pambansa Blg. 6 (concealing deadly weapon), at sa election gun ban ang kinakaharap nina Raymond Bateong, 28, ng Unit 5 Builders Ville, Marindal Street, Quezon City; at Ian James Cunanan, 21, ng Pineapple Road, Barangay Portero, Malabon City.
Sa salaysay ng biktimang si Elmer Padios, 24, ng San Miguel Heights, Bgy. Marulas, Valenzuela City, dakong 8:00 ng gabi at abala siya sa pagte-text sa labas ng kanilang bahay nang biglang sumulpot ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo na walang plaka.
Tinutukan umano ng patalim ng mga suspek si Padios at nagpahayag ng hold-up, pero tumanggi ang huli na ibigay ang kanyang cell phone at tinangkang pumasok sa loob ng bahay, pero bumaba ang driver ng motorsiklo na si Bateong at tinutukan siya ng baril.
“Wala po akong nagawa kundi ibigay na lang ‘yung cell phone ko. Natakot na ako, eh,” ani Padios.
Pagtalikod ng mga suspek nagsisigaw ang biktima na nakatawag-pansin sa mga nagpapatrulyang pulis kaya naaresto ang mga suspek.
Nabawi sa mga ito ang isang .38 caliber revolver na may tatlong bala, patalim, at dalawang plastic sachet na may shabu. (Orly L. Barcala)