Ikinatuwa ni Philippine Taekwondo Association (PTA) Chairman Sung Chon Hong ang produktibong kampanya ng national team sa katatapos na 4th Asian Taekwondo Poomsae Championship, sa Marriot Hotel sa Pasay City.

Humakot ang Pinoy jins ng dalawang ginto, tatlong silver, at tatlong bronze sa prestihiyosong torneo.

Nauna rito, nasungkit ni Kristine Alora ang Olympic slot sa Rio Games sa Agosto nang makausad sa finals ng Asian Olympic Qualifying Championship.

Napagwagihan nina Jean Pierre Sabido, Ernesto Guzman Jr., at Glenn Lava ang gold medal sa trio event ng men’s over-30 division.

Anong luto ni Chloe ang masarap para kay Caloy lalo na 'pag umuulan?

Naitala ng two-time world champion ang kabuuang 7.97 puntos laban sa defending champion Iran (7.88), at South Korea (7.72).

Napagwagihan naman ni Jeordan Dominguez ang men’s individual poomsae freestyle sa iskor na 7.72 Pumangalawa naman sina Rodolfo Reyes Jr. at ang magkapatid na Dustin Jacob at Raphael Enrico Mella sa men’s team event sa likod ng kampeong Indonesia, habang silver medal din ang nakuha ng women’s team nina Jocel Ninobla, Clare Gascon, at Angelica Joyce Gaw kontra sa Chinese Taipei.

Nasungkit din ni Reyes ang silver sa individual men’s under-30 class, matapos mabigo kay Chang Yun Oh ng South Korea.

Kumubra naman ng bronze medal sina Ninobla sa women’s under-30 division, gayundin sina Rinnna Babanta at Dustin Mella (mixed pair under-30) at Guzman (men’s over-40).