APAT na buwan ang nakalipas makaraang magkasundu-sundo sa isang plano upang mapigilan ang paglubha ng global warming, mahigit 160 bansa ang magtitipun-tipon sa New York bukas, Abril 22, upang lagdaan ang kasunduan na ang pagpapatupad ay mag-oobliga sa radikal at maingat na pagsusuri sa pandaigdigang ekonomiya.
Matapos ang makasaysayang sandali ng pagsimsim ng Champagne makaraang selyuhan ng mundo ang matagal na pinaghirapan at pinagdebatehang kasunduan sa Paris noong Disyembre 12, ang paglagda sa nasabing dokumento ay isang napakahalagang hakbangin.
Ang susunod at pinal na proseso ay ang pagratipika ng mga indibiduwal na gobyerno. Kapag nailusot na ito ng 55 bansa na responsable sa 55 porsiyento ng pandaigdigang greenhouse gases, maaari nang ipatupad ang kasunduan.
“First and foremost, it (Friday’s signing) will serve a strong symbolic function,” sabi ni Pascal Canfin, kasama ang environmentalist group na WWF.
“But it also creates the political space to accelerate action and build on the dynamism” ng komperensiya sa Paris conference, na nagbigay ng wakas sa maraming taon ng pahirapan at kumplikadong negosasyon.
May kabuuang 163 bansa ang nagsabi nang dadalo sila sa high-level signing ceremony na hosted ni UN chief Ban Ki-moon.
Nasa 60 pinuno ng estado at gobyerno ang mismong pipirma para sa kani-kanilang bansa—kabilang sina French President Francois Hollande at Canadian Prime Minister Justin Trudeau.
Ang United States at China—na kapwa responsable sa 40 porsiyento ng greenhouse gases sa mundo—ay kakatawanin nina Secretary of State John Kerry at Vice Premier Zhang Gaoli.
Dahil napakaraming bansa ang dadalo, “we should set a record for the signing of an international accord,” sabi ni French Environment Minister Segolene Royal, na nangasiwa sa climate forum.
“It is clear that decision-makers have taken the urgency of the climate threat to heart. It is a very good sign,” ani Royal.
Ang mga bansang hindi makalalagda sa dokumento bukas ay maaari namang pumirma sa susunod na taon.
Determinado ang kasunduan na tuldukan ang climate change.
Binigyang-kahulugan nito ang paglimita sa global warming sa “well below” two degrees Celsius (3.6 degrees Fahrenheit)—1.5 C kung kakayanin.
Hindi ito nagtatakda ng petsa o puntirya sa pagsugpo sa nakapagpapainit sa planeta na greenhouse gas emissions: nakadetaye ang mga ito sa non-binding pledges ng mga bansang nakikiisa sa layunin.
At ngayon pa lang, mayroon nang malilinaw na senyales na marami na ang humahakbang pasulong, para sa pagsasakatuparan ng napagkasunduan sa Paris.
Ayon sa World Resources Institute (WRI) thinktank, ang pandaigdigang pamumuhunan sa renewable energy ay pumalo sa $286 billion noong nakaraang taon—higit sa doble ng kabuuang halagang ginastos para sa mga fossil fuel power plants.
Sa ikalawang sunod na taon, nanamlay ang energy-related carbon emissions, habang ang lumobo naman sa record na 8.3 porsiyento ang renewable energy capacity, ayon sa International Renewable Energy Agency (IRENA).
Ang Peabody Energy, ang pinakamalaking coal mine sa Amerika, ay naghain ng bankruptcy noong nakaraang linggo, sa huling kabiguan ng sektor na inilampaso ng mumurahing natural gas, para sa mas malinis na enerhiya.
Ang numero unong carbon polluter na China ay nakapag-ulat ng magkasunod na taon ng pananamlay sa coal consumption at namuhunan ng record na $111 billion sa malinis na enerhiya noong 2015, ayon sa RI.
Nagsisipagbawi na rin ng kani-kanilang puhunan ang mga kumpanya, unibersidad, gobyerno, bangko, investor, insurer, at maging simbahan, sa mga proyektong fossil fuel. (Agencé France Presse)