Paul Millsap, Marcus Smart

SAN ANTONIO (AP) — Sa ikalawang sunod na laro, naging madali para sa Spurs ang pagdispatsa sa Memphis Grizzlies, 94-68, nitong Martes ng gabi (Miyerkules sa Manila) para sa 2-0 bentahe sa kanilang Western Conference first round playoff.

Nanguna si Patty Mills sa 16 na puntos para sa Spurs, habang tumipa si Kawhi Leonard ng 13 puntos at nagtumpok si LaMarcus Aldridge ng 10 puntos at walong rebound.

Hindi na naglaro si Aldridge sa final period, gayundin ang iba pang starter na sina Leonard, Tony Parker, Tim Duncan at Danny Green.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Sa itinatakbo ng sitwasyon ng Memphis, nangangamoy ang ‘sweep’ para sa palagihan na title contender. Host ang Memphis sa Game 3 sa Biyernes (Sabado sa Manila).

Kumubra ng 12 puntos si Tony Allen para sa Memphis, habang kumasa si Zach Randolph ng 11 puntos at 12 rebound.

Matapos ang nakadidismayang franchise low na 13 puntos sa unang quarter ng Game 1, nabura ito ng Grizzlies sa naiskor na 11 puntos – pinakamababang iskor sa isang quarter sa kasaysayan ng prangkisa.

Hindi nakalaro ang star player ng Memphis na sina Marc Gasol at Mike Conley bunsod ng injury.

HAWKS 89, CELTS 72

Sa Atlanta, nalimitahan ng Hawks ang Boston Celtics sa pinakamababang iskor sa isang quarter sa playoff mula nang simulan ng NBA ang shot clock tungo sa 21 puntos na bentahe at dominanteng panalo para sa 2-0 bentahe ng kanilang Eastern Conference playoff.

Kumana sina Al Horford at Kyle Korver ng tig-17 puntos para sa Atlanta na naitala ang panalo sa unang 12 minuto ng laro.

Sinimulan ng Hawks ang ratsada sa 9 of 13 shooting sa field, tampok ang anim na three-pointer para sa 24-3 bentahe may anim na minuto ang nalalabi sa first period.

Natapos ang first quarter sa 24-7.

Gaganapin ang Game Three sa Boston sa Biyernes (Sabado sa Manila).