UNITED NATIONS (AP) — Ipinagtanggol ng Jamaica ang decriminalization sa pag-iingat ng kaunting marijuana. Sinabi ng Iran na 620 tonelada ng iba’t ibang uri ng droga ang nasamsam nito noong nakaraang taon at pursigidong protektahan ang mundo sa "evils of addiction." Tutol naman ang Cuba sa legalisasyon ng mga droga o ideklara itong hindi masama.
Dininig sa unang U.N. General Assembly special session on global drug policy sa loob ng halos 20 taon, ang malaking pagkakasalungat sa diskarte sa droga sa ikalawang araw nito noong Miyerkules.
Sa panig ng liberalisasyon, inihayag ni CanadaHealth Minister Jane Philpott na ipakikila ng gobyerno ang panukalang batas na gagawing legal ang marijuana sa susunod na tagsibol.
Sinabi naman ni Jamaica Foreign Minister Kamina Johnson Smith sa mga delegado na inamyendahan ng gobyerno ang Dangerous Drugs Act noong nakaraang taon upang gawing legal ang pag-iingat ng hindi lalagpas sa two ounces ng cannabis, at naglatag ng mga probisyon para sa medical, scientific at therapeutic uses ng halaman.
Idiniin ni Michael Botticelli, director ng White House Office of National Drug Control Policy, na ang law enforcement efforts ay dapat na magpokus sa “criminal organizations — not on people with substance use disorders who need treatment and recovery support services."
Nasa kabilang panig ng matinding pagtutol ang Indonesia. Sinabi ni Ambassador Rachmat Budiman na kailangan ng "zero-tolerance approach" para masupil at mabura ang sumpa ng droga.
Tulad ng Indonesia, nagpapataw ang Iran ng death penalty sa mga drug trafficker.
Sinabi ni Iran Justice Minister Abdulreza Rahmani Fazli na ang bansa ang magiging host ng pandaigdigang pagpupulong para labanan ang droga at mga krimeng kaugnay nito sa Balkan route, isa sa dalawang pangunahing heroin trafficking corridors na nag-uugnay sa opium-producing Afghanistan sa malalaking merkado ng Russia at Western Europe. Karaniwan itong dumaraan sa Pakistan patungong Iran, Turkey, Greece at Bulgaria sa buong southeastern Europe, hanggang sa Western European market, at may taunang market value na $28 billion, ayon sa U.N. Office of Drugs and Crime (UNODC).
Nagtanong naman si Cuba Justice Minister Maria Esther Reus Gonzalez na paanong hindi mababahala ang mundo kung ang problema sa droga ay nagiging "deeper and more intensified" sa 246 na milyon katao na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot, ayon sa UNODC.