Libu-libong turista ang darating sa Metro Manila ngayong taon sakay sa tatlong international cruise liner, na pinili ang metropolis bilang isa sa mga bibisitahin nito sa Southeast Asia, ayon sa Department of Tourism (DoT).

Sa isang pahayag, sinabi ni DoT-National Capital Region (NCR) Director Christer Gaudiano na kinumpirma ng Royal Caribbean Cruises Ltd. na dalawa sa mga barko nito ang ilang beses na dadaong sa Port of Manila ngayong 2016.

“The Legend of the Seas carrying approximately 2,200 passengers will be docking in Manila five times from May to October this year. And the Celebrity Millennium carrying over 2,500 passengers will call at the port of Manila by year end,” ani Gaudiano.

Rep. Pulong Duterte binalingan si Rep. Castro?; trato kina VP Sara, Lopez, ikinumpara!

Dagdag pa niya, bibisita rin sa Maynila ngayong taon ang Pacific Venus, isang Japanese cruise ship na kayang magsakay ng hanggang 500 pasahero.

Ito ang inihayag ng DoT matapos makapagtala ng 15 international cruise vessel na nagsagawa ng port call sa Maynila sa unang apat na buwan ng 2016.

Noong nakaraang taon, nakatanggap ang Pilipinas ng mahigit 50 port call mula sa mga cruise liner, na nakapagsakay ng kabuuang 69,802 turista. Mas mataas ito ng 18.8 porsiyento kumpara sa 44 na luxury liner na bumisita sa bansa noong 2014 at nagsakay ng 60,183 turista. (Samuel Medenilla)