SA harap ng magkakasunod na pansamantalang pagkawala ng supply ng kuryente sa Luzon Grid noong nakaraang linggo, inihayag ng Manila Electric Co. (Meralco) na posibleng mas mataas ang babayarang generation charges ng mga kostumer nito sa Mayo. Ito ay dahil ang mahigpit na sitwasyon sa pangangailangan at supply ng kuryente ay nagbunsod upang tumaas ang presyo sa Wholesale Electricity Spot Market. Bukod dito, 121 kumpanya—dahil sa limitadong supply—ang nagsimula nang lumikha ng sarili nitong kuryente sa ilalim ng Interruptible Load Program. Tatanggap ng karampatang bayad ang mga kumpanyang ito at ito ang babawiin sa mga kostumer ng Meralco.
Problema ito para sa mga kostumer ng Meralco, ngunit hindi ito maikukumpara sa poproblemahin ng buong bansa kapag lumala ang kakapusan sa supply ng kuryente at makaapekto ito sa idaraos na eleksiyon sa Mayo 9. Maaaring mapagtiisan ng mga botante ang matinding alinsangan ng panahon sa 11 oras na bukas ang mga voting precinct simula 6:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon sakaling may brownout. Ngunit kung walang kuryente, mawawalan ng silbi ang mga Vote Counting Machine (VCM) sa 90,000 presinto sa bansa. Hindi ng mga ito mabibilang ang mga boto at hindi rin maipadadala ang mga resulta. Kaya ang mangyayari, walang magaganap na eleksiyon.
Gaano kahanda ang Comelec sa mga posibilidad na gaya nito? Sa mga lugar na walang kuryente, handa ba ang mga Boards of Election Inspector na tumanggap ng balota na sinagutan nang manu-mano ng mga botante? Handa ba silang bilangin ang mga boto sa mga bulletin board gaya noong hindi pa automated ang halalan na nagsimula noong 2010? Handa ba silang bitbitin ang mga kahon ng mga binilang na balota patungo sa mga municipal center gaya ng dati?
Sa totoo lang, mas mabuti pa nga ang sitwasyon sa Luzon kaysa Katimugan. Sa ilang panig ng Mindanao, tumatagal ang brownout ng walo hanggang sampung oras. Sa Visayas, nagtungo kamakailan si Secretary Zenaida Monzada ng Department of Energy (DoE) sa Cebu upang makipagpulong sa mga supplier ng kuryente. May mga ugnayang pulong din na gaya nito na isinagawa ang DoE sa iba pang bahagi ng bansa.
Tiniyak ng Malacañang na magiging sapat ang supply ng kuryente ngayong tag-init. Ang problema, ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr., ay ang tumitinding init sa bansa na pinalulubha ng mga itinakdang maintenance shutdown ng maraming planta ng kuryente sa panahong ito.
Katanggap-tanggap ang pagtiyak na ito ng Malacañang, ngunit dapat na suportado ito ng mga kongkretong hakbangin, gaya ng panawagan ni Senator Ralph Recto sa gobyerno na bumili ng mga generator na gagamitin sa Araw ng Halalan sakaling biglang magkaroon ng brownout, gamit ang P200 bilyon mula sa Malampaya Fund. Partikular na nangangamba si Recto para sa sitwasyon sa Mindanao kaya naman hinimok niya si Pangulong Aquino na magtalaga ng isang opisyal na tututok sa kakapusan ng kuryente sa Mindanao.
Masasabi nating hindi na lamang Mindanao ang namumroblema sa kakapusan ng kuryente, kaya ang partikular na opisyal na itatalaga para resolbahin ang suliranin ay dapat tiyaking may kuryente sa lahat ng sulok ng bansa sa Araw ng Halalan.