JULIE ANNE copy

MAGDADALAGA pa lang nang pasukin ni Julie Anne San Jose ang showbiz hanggang sa unti-unting makilala dahil sa talento sa pag-awit at pag-arte. Hindi kataka-taka na bagets pa rin siya hanggang ngayon na umabot na siya ng sampung taon sa showbiz, at ito ay kanyang ipagdiriwang sa pagkakaroon ng major concert.

Nakatakdang idaos ang major concert ni Julie Anne, na pinamagatang In Control, sa Kia Theater sa Araneta Center, Cubao, sa Quezon City, sa Mayo 14, sa ganap na 8:00 ng gabi. Tatlong araw lamang ang pagitan ng nasabing petsa bago sumapit ang ika-22 kaarawan ni Julie Anne.

Naging possible dahil sa Dreamstar Events management, ang In Control concert ay nakatakdang idirehe ni Marvin Caldito at si Marc Lopez naman ang musical director.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

May basbas mula sa Artist Management at record label ng GMA-7, tiyak na tatangkilikin ito ng napakaraming tagahanga ni Julie Anne na katatapos lamang tumanggap ng Diamond Record Award dahil umabot na sa 150,000 units ang naibebentang kopya ng kanyang album. Ang kanyang single na I’ll Be There naman ay nananatiling certified quadruple platinum sa Philippine Association of the Record Industry (PARI).

Ang ikalawang album ni Julie Anne na Deeper ay ginawaran naman ng triple platinum sa unang bahagi ng kasalukuyang taon at kinilala bilang “Best Selling Album” sa 28th Awit Awards.

Hindi na kataka-taka na siya ang hinirang ng Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM) bilang Junior Ambassador “to represent and promote Filipino music to the young.” Si Julie Anne ay celebrity advocate rin para sa World Vision nagsusulong sa karapatan ng kabataan.

Ang mga ticket sa In Control concert ni Julie Anne ay nagkakahalaga ng P4,240 para sa VIP; P3,710 para sa Orchestra; P1,590 para sa Loge; at 1,060 naman sa Balcony, at available sa Ticketnet.