MARAPAT lamang na mismong si Presidente Aquino ang manguna sa pagpaparangal sa mga bagong Pambansang Alagad ng Sining o National Artist, sa natatanging okasyon sa Malacañang. Ito ang pinakamataas na karangalan na maipagkakaloob sa sinumang Pilipino na nagpamalas ng pambihirang kahusayan sa sining at kultura.

Ang masinsinang pagpili ng mga National Artist ay magkatuwang na pinamamahalaan ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Masusing sinusuri ng mga naturang ahensiya, hindi lamang ang mga nagawa at kuwalipikasyon ng mga pararangalan, kundi maging ang kanilang pagkatao upang matiyak na sila ay karapat-dapat taguriang mga tunay na Alagad ng Pambansang Sining.

Hindi dapat ipagdalawang-isip ang kanilang kahusayan sa larangan ng literatura, visual arts, musika at iba pa. Ang kanilang kahusayan at talino ay marapat dakilain hindi lamang habang sila ay nabubuhay. Katunayan, may mga pinararangalan din na matagal nang sumakabilang-buhay. Kaya nga sila ay pinagkakalooban ng posthumous awards sapagkat ang kanilang mga nagawa ay dapat lamang ikarangal ng sambayanan sa lahat ng pagkakataon. Silang lahat ay nagsisilbing inspirasyon ng susunod na mga henerasyon ng lahing Pilipino.

Totoo, may mga pagkakataon na nababahiran ng mga pagdududa at alingasngas sa pagpili sa pararangalan. Hindi ba’t mismong si Presidente Aquino ang nagpahayag ng pagkadismaya sa isang nais gawaran ng naturang karangalan? Nais lamang niyang bigyang-diin na ang sinumang awardee ay dapat mag-angkin ng kahanga-hangang katangian na maipagkakapuri sa lahat ng pagkakataon; mga katangian na walang bahid ng masalimuot na karanasan at nakalipas; na hindi nasangkot sa mga gawaing sumisira sa lipunan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Minsan na ring minadali ang pagpili ng mga Alagad ng Pambansang Sining. Sinasabing naging makasarili ang mga paraan ng pagpili sa mga pararangalan; mga sistema na naging tampulan ng protesta at pagbatikos mula sa iba’t ibang sektor ng sining at kultura. Hindi ko matiyak kung hanggang saan na ang narating ng naturang mga pagtutol na humantong pa sa hukuman.

Ang ganitong nakadidismayang eksena ay dapat lamang iwasan sa pagkakaloob ng natatanging mga karangalan, lalo na nga ng National Artist award na iginagawad at hindi ipinakikiusap. (Celo Lagmay)