CABANATUAN CITY - Sa kagustuhang mabigyan ng hustisya ang pagpatay sa isang incumbent chairman ng Barangay San Pascual sa Talavera, naglaan si Nueva Ecija Gov. Aurelio “Oyie” Matias Umali ng P500,000 pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon o makapagtuturo sa pumatay sa kapitan na kandidato para konsehal.
Inilaan ni Umali ang nasabing pabuya para sa agarang paglutas sa pagpatay nitong Abril 14 kay Gerald “Elay” Fermin, 46, may asawa, chairman ng Bgy. San Pascual, at kapartido ng re-electionist na si Mayor Nervi Santos-Martinez.
Matatandaang nanggaling sa basketball tournament at sa lamay ng isang kabarangay si Fermin nang lapitan ito at pagbabarilin ng isa sa riding-in-tandem.
Inatasan na rin ni Umali si Nueva Ecija Police Provincial Office Director Senior Supt. Manuel Cornel na madaliin ang pagresolba sa pagpatay kay Fermin upang mabigyan ng katarungan ang mga naulila ng opisyal.
Naniniwala rin si Umali na ang pagpaslang kay Fermin ay “politically motivated”. (Light A. Nolasco)