Stephen Curry

Warriors, nanaig kahit wala si Steph; Mavs at Raptors, nakabawi sa serye.

OAKLAND, California (AP) — Kahit nasa bench, nanatiling lider si Stephen Curry – nang pangunahan ang crowd sa pagbubunyi – para buhayin ang sigla at focus ng Golden State Warriors.

At sa maliit na pamamaraan, nakatulong ang reigning MVP, para panatilihin ang katatagan ng Warriors at pabagsakin ang Houston Rockets para sa 2-0 bentahe sa kanilang first round playoff nitong Lunes (Martes sa Manila), sa Western Conference.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Nanguna si Klye Thompson, ang kalahati ng pamosong ‘Splash Brother’ ng Warriors, sa naiskor na 34 na puntos, habang kumana si Andre Iguodala, last season Finals MVP, ng 18 puntos, tampok ang apat na 3-pointer at kumubra si Draymond Green ng 12 puntos, 14 na rebound at walong assist.

Nagdesisyon si coach Steve Kerr na huwag nang palaruin si Curry matapos makaramdam ng pangigirot sa kanang paa na napinsala sa Game 1. Inaasahang, makalalaro si Curry sa Game 3 sa Huwebes (Biyernes sa Manila) sa pagdayo ng Warrriors sa Houston.

Hataw si James Harden sa Rockets sa natipang 28 puntos at 11 assist, at kumana ng 13 of 15 free throws matapos mabigong makatira sa free throw sa opening game.

Nag-ambag si Shaun Livingston, pumalit sa puwesto ni Curry bilang starting guard, ng 16 puntos at anim na assist.

MAVS 85, THUNDER 84

Sa Oklahoma City, nakalusot ang Dallas Mavericks sa makapigil-hiningang duwelo laban sa Thunder para maitabla ang serye sa 1-1.

Hindi binilang ang putback shot ni Steven Adams sa buzzer na nagpanalo sana sa Thunder matapos makita sa ginawang review ng referee na nasa kamay pa ng Oklahoma center ang bola nang pumula ang ilaw sa back board.

Sa Game 1, hiniya ng Thunder ang Mavs sa dominanteng 108-70 desisyon nitong Sabado (Linggo sa Manila). Ngunit, sa pagkakataong ito, nakabawi ang Mavericks nang malimithan ang Oklahoma City sa 33.7 porsiyento sa field goal shooting.

Nagsalansan si Raymond Felton ng 21 puntos, habang tumipa si Dirk Nowitzki ng 17 puntos para sa Mavericks. Naglaro naman ang na-injured na si Deron Williams para sa Dallas at nakaiskor ng 13 puntos.

Nanguna si Kevin Durant sa natipang 21 puntos, ngunit naitala niya ang pinakamasamang shooting sa postseason na 7-of-33.

Host ang Dallas sa Game Three sa Huwebes (Biyernes sa Manila).

Tangan ng Dallas ang 85-84 bentahe, may 7.1 segundo ang nalalabi, subalit nagmintis ang dalawang free throw ni Felton para sa pagkakataong maagaw ng Thunder ang panalo.

Mabilis na naibaba ng Oklahoma ang bola, ngunit sumablay ang tira ni Durant na agad na nakuha ni Adams, ngunit sumindi na ang pulang ilaw sa buzzer bago pa niya ito nabitawan.

Ratsada sina Russell Westbrook na may 19 na puntos at 14 na rebound para sa Thunder, habang kumasa si Serge Ibaka na may 12 puntos.

RAPTORS 98, PACERS 87

Sa Toronto, kumubra si Jonas Valanciunas ng 23 puntos at 15 rebound, habang humugot si Kyle Lowry ng 18 puntos, siyam na assist at pitong rebound para maibawi ang Raptors sa Indiana Pacers.

Gaganapin ang Game 3 sa Indianapolis kung saan tabla ang kanilang serye sa 1-1.

Naputol ng Raptors ang seven game losing skid sa postseason. Huling nanalo ang Raptors sa playoff game kontra Brooklyn, 115-113, noong Abril 30, 2014.

Nag-ambag si Corey Joseph ng 16 na puntos, habang humirit si Patrick Patterson ng 14 na puntos at nanatiling malamig ang opensa ni All-Star guard DeMar DeRozan na may 10 puntos.

Hataw si Paul George sa 28 puntos at kumana si Monta Ellis ng 15 puntos, para sa Pacers, tatayong host sa Game 3 sa Huwebes (Biyernes sa Manila).