Jon copy

DALA ng kahirapan kaya pumasok sa showbiz si Aljhon Andres Lucas na mas kilala bilang Jon Lucas, isa sa sikat na sikat na ngayong Hashtags at miyembro rin ng Star Magic Circle batch 13 -- kasabayan nina Liza Soberano, Julia Barretto, Janella Salvador, Keith Thompson at iba pa.

Gusto namin ang istorya kung paano pumasok sa showbiz si Jon. 

“Mag-isa lang po ako, pumila po ako sa audience entrance para mag-audition sa Star Magic. ‘Tapos natanggap ako, pinag-workshop na po nila ako nang libre, unang show ko po, Kahit Konting Pagtingin under Dreamscape po, bida si Angeline Quinto,” kuwento ni Jon.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Ang Konting Pagtingin ang unang serye ni Angeline kasama sina Paulo Avelino at Sam Milby na umere noong 2013 mula sa direksyon nina Darnel Joy Villaflor at ang namayapang si Francis Pasion.

Mukhang nakitaan ng potential si Jon dahil isinabak kaagad siya sa Wansapanataym (Mommy on Duty episode), Got to Believe sa papel na Dominic Zaragoza at dito na nagsimulang makilala nang husto ang binata.

Napasama rin si Jon sa Sana Bukas Pa ang Kahapon, ang unang tambalan nina Bea Alonzo at Paulo Avelino, Be Careful With My Heart nina Jodi Sta. Maria at Richard Yap at iba pa.

Ang regular show ni Jon ngayon ay ang We Will Survive nina Melai Cantiveros at Pokwang at It’s Showtime kasama ang Hashtags.

Hindi itinanggi ni Jon na napilitan siyang huminto sa pag-aaral dahil pinauna niya ang kapatid niyang bunso na kumukuha ngayon ng Communication Arts sa Miriam College.

“High school pa lang po natapos ko, kasi naging busy na ako kaya sister ko muna ang pinag-aaral namin,” pagtatapat ng binata. “Awa po ng Diyos, hindi naman ako nawawalan ng projects, puro guestings po ako.”

Kapag itinuloy daw ni Jon ang pag-aaral niya, gusto niyang maging piloto, pero mahal ang tuition kaya Communication Arts na rin balak niyang kunin niya na related nga naman sa showbiz.

Tubong Taytay, Rizal sina Jon pero since two years ago ay sa Cainta na nangungupahan.

Housewife ang nanay ni Jon at ahente ng salamin sa mata ang trabaho ng tatay niya. 

“Nagbebenta ng mga frame ng salamin, nagsu-supply siya ng mga frame sa optical shop. Ngayon po, hindi na masyadong malakas kasi nawalan na ng kotse, eh, ‘pag may kotse po, nakakapunta siya sa mga probinsiya, kasi doon malakas,” pagtatapat ng binata.

Nagsisikap si Jon na makapag-ipon dahil plano niyang bumili ng sarili nilang bahay. Kailangan din niyang kumayod nang husto para may maipambili rin ng sasakyan para may magamit din siya sa pagpunta-punta sa location.

“As of now po, nakiki-stay ako sa condo ng friend ko at nagbibigay ako ng share para mas malapit dito sa ABS kasi everyday nga po kami rito sa Showtime. Kung mag-uuwian ako sa Cainta, lugi po ako sa pamasahe, ‘tapos trapik pa,” kuwento ni Jon.

Walang ka-love team ang binata at kung siya ang papipiliin, “Either Liza Sobrano o Sue Ramirez po, ‘kaso meron na si Liza kaya sana si Sue na lang. Nakasama ko nap o siya sa (seryeng) Sana Kailangan Kita.”

Loveless si Jon. 

“Walang plano po, career muna. Pero ang showbiz crush ko si Anne Curtis po, sa generation ko po kasi wala,” pahayag niya.

Dati ay mahilig siyang gumimik.

“Dati po sa The Fort, pero nag-stop na ako ngayon.” Dahil magastos, balik-tanong namin. “Hindi po, kasi umaasa naman din ako sa mga kaibigan ko, kasi ayaw kong gumastos para sa drinks o alak. Sa entrance naman po, depende kung may kakilala.”

Hindi na rin gumigimik si Jon dahil wala na siyang panahon. Pagkatapos kasi ng Showtime ay may mga segue pa silang raket bukod pa sa rehearsals. Kaya pag-uwi niya ng condo, bagsak na sa sobrang pagod.

May naiipon ba naman siya ngayong araw-araw ang appearance ng Hashtags sa It’s Showtime?

“Meron po, pampaaral sa kapatid ko, kasi first year pa lang siya sa college. Bale iyon po ang pinaka-first investment ko, kaya talagang nag-iipon ako kasi mahal sa Miriam,” pag-amin ni Jon. (REGGEE BONOAN)