PRESENT si Luis Manzano sa halos lahat ng malalaking caucus ng ina niyang tumatakbo for congresswoman sa Lipa City na si Gov. Vilma Santos-Recto. Pagkatapos ng kanyang mga showbiz commitment sa Manila ay diretso agad si Luis sa Lipa, Batangas.
“Hindi naman araw-araw ito, eh. Sa akin, eh, makatulong lang nang husto sa mga botante na iboto ang tama para sa hinihingi nilang maibalik sa dati ang Lipa, eh, okey na sa akin ‘yun,” simulang sabi ni Luis nang makausap namin.
Marami raw kasi ang lumalapit at nagtatanong sa kanya saan man siya magpunta at kung ano ang nangyari sa Lipa.
Kumbaga, ang siyudad na dating napaganda nang husto ni Ate Vi sa kanyang panungkulan noon ay nauwi raw sa wala.
“Totoo naman ‘yun, dati kasi nagpasalamat sila sa akin dahil sa ginawa ng Mommy ko sa Lipa, pero ngayon, eh, iba na ang mga ‘tinatanong nila sa akin. Tinatanong nila ako kung ano raw ang nangyari sa Lipa,” lahad pa ni Manzano.
Napatunganga ang mga ito sa paghanga kay Luis kapag nasa entablado na siya’t magsasalita para kumbinsihin na iboto ang kanyang Mommy Vi pati na rin ang dalawang parehong malapit sa puso niyang sina Sen. Ralph Recto at Edu Manzano.
Kaya ang sabi ng lehitimong taga-Lipa na nakausap namin, hinog na hinog na si Luis para pasukin ang mundo ng pulitika.
“Well, I’m just 35 years old. Marami pang mangyayari. As I have said, I am not closing my doors sa pulitika. Malay natin next election, eh, ang sarili na mismo ang ipakiusap ko sa mga tao para sa boto nila,” napatawa pero seryosong sambit ni Luis.
Kung hindi nauwi sa hiwalayan ang relasyon nila ni Angel Locsin, malamang na kasa-kasama niya ang dating kasintahan sa mga rally ng kanyang ina niya. Kuusta naman silang dalawa ngayon?
“Well, okey lang, basta nasabi ko na rin ang dapat kong sabihin. Inamin ko na rin naman na talagang hiwalay na kami.
Maski nga si Mommy, eh, nabigla rin noon, I’m very sure na nalungkot din si Mommy not because of me pero dahil close rin sila ni Gel,” sagot pa ni Luis. (JIMI ESCALA)