IPAGDIRIWANG ng mamamayan at ng gobyerno ng United Kingdom of Great Britain and Northern Ireland ang anibersaryo ng kapanganakan ni Kanyang Kamahalan, Queen Elizabeth II, bukas, Abril 21. Para sa kanyang ika-90 kaarawan, magdaraos ang reyna na pinakamatagal na naluklok sa kapangyarihan sa kasaysayan, kasama ang Duke of Edinburgh ng ilang enggrandeng pagdiriwang sa Windsor ngayon at bukas.
Ngayon, ang Kanyang Kamahalan, kasama si His Royal Highness, ay bibisita sa Royal Mail Windsor delivery office sa William Street upang ipagdiwang ang ika-500 anibersaryo ng Postal Service. Magtutungo rin sila sa Alexandra Gardens parav sa isang seremonya na opisyal na magbubukas sa bagong Bandstand.
Bukas, maglalakad ang Kanyang Kamahalan at ang Duke mula sa Henry VIII Gate ng Windsor Castle patungo sa Estatwa ni Queen Victoria sa paanan ng Castle Hill na roon papasinayaan ng Reyna ang isang plake na magsisilbing marka ng Queen’s Walkway. Ang nasabing daanan ay isang 6.3-kilometrong self-guided trail na nag-uugnay sa 63 mahahalagang lugar sa bayan ng Windsor. Ang Walkway ay idinisenyo ng The Outdoor Trust bilang simbolo ng pagkilala sa panahong ang Kanyang Kamahalan ay naging pinakamatagal na monarkiya ng Britain makalipas ang mahigit 63 taon, noong Setyembre 9, 2015. Ginaya ito sa matagumpay na Jubilee Walkway sa London, ang unang urban walking trail sa mundo, na pinasinayaan ng Reyna noong 1977 bilang bahagi ng selebrasyon ng kanyang Silver Jubilee.
Pagsapit ng gabi, pangungunahan ng Reyna, kasama ang Duke of Edinburgh, ang Prince of Wales, at ang Duchess of Cornwall ang pag-iilaw sa parola at sasaksihan ang pag-iilaw sa dalawa pang parola sa Long Walk at sa Copper Horse.
Ang Kanyang Kamahalan ang mag-iilaw sa pangunahing parola na magpapasimula ng serye ng pag-iilaw sa mahigit 900 liwanag sa bansa at sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang mga pailaw na ito, malaki at maliit, gawa man sa istrukturang pinagagana ng gasolina o simpleng siga, ay sisindihan sa iba’t ibang dako ng bansa para sa ika-90 kaarawan ng Reyna.
Pagsapit ng gabi, makakapiling ng Kanyang Kamahalan ang mga miyembro ng Royal family, kabilang ang Duke at Duchess of Cambridge, para sa isang pribadong selebrasyon sa Windsor Castle.
Isinilang ang Reyna sa 17 Bruton Street sa London, noong Abril 21, 1926, at bininyagan noong Mayo 29 ng taong iyon sa Buckingham Palace. Ang Kanyang Kamahalan ang panganay na anak na babae nina King George VI at Lady Elizabeth Bowles-Lyon. Noong 1944, nagsilbi siyang councilor of state habang nakikipaglaban sa digmaan ang kanyang ama sa Italy. Pinakasalan niya si Philip, Duke of Edinburgh, noong Nobyembre 20, 1947.
Labis ang paghanga at paggalang sa Reyna dahil sa kanyang “phenomenal drive and energy”, gaya ng minsang sinabi ng pangunahing patnugot ng “Majesty” magazine na si Ingrid Seward sa Reuters. Popular din ang Kanyang Kamahalan hindi lamang dahil sa siya ang pinakamaraming beses na bumiyahe sa kasaysayan ng monarkiya ng Britain, kundi dahil pinalawak niya ang pag-uulat sa pamamahayag, at inilapit ang kaharian sa mamamayang British.
Binabati natin ang mamamayan at ang gobyerno ng Kingdom of Great Britain and Northern Ireland, sa pangunguna ng Kanyang Kamahalan, Queen Elizabeth II, sa pagdiriwang ng kanyang ika-90 kaarawan.