Nalungkot ang 68,187 senior citizen sa Makati City matapos na ibasura ng konseho ang karagdagang benepisyo na para sa kanila.

Upang palawigin ang benepisyo ng senior citizens, ipinanukala ni Makati City acting Mayor Romulo “Kid” Peña, Jr. na doblehin ang lahat ng natatanggap ng mga ito para maging P4,000 ang kaloob sa edad 60-69; P6,000 sa edad 70-79; at P8,000 para sa 80 anyos pataas.

Kalakip ng liham ni Peña ang Certification of Availability of Funds mula sa City Treasurer’s Office, na ang P154.93-milyong pondo ay magmumula sa naipon noong 2014.

Ngunit malabong madagdagan ang benepisyo ng senior citizens dahil ibinasura na ng mga konsehal ang nasabing panukala.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Katwiran naman ng nakararaming konsehal, na sinasabing kaalyado ng nakaraang administrasyon, magagamit lang sa pulitika ang panukala lalo dahil malapit na ang halalan.

Sa ilalim ng Elderly Welfare Program ng Makati Social Welfare Department (MSWD), nabatid na lahat ng kuwalipikadong BLU Card holder na edad 60-69 ay nakatatanggap ng P2,000; P3,000 sa edad 70-79; at P4,000 sa 80 anyos pataas.

(Bella Gamotea)