Sinabi ng China na ang paglapag kamakailan ng isang Chinese military plane sa isang isla sa South China Sea, na inaangkin din ng Pilipinas bilang ‘Kagitingan Reef’, ay “nothing to be surprised at” dahil ito ay ginawa sa lupain ng mga Chinese.
Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesperson Lu Kang, ang paglapag ng military plane sa Kagitingan Reef ay bahagi lamang ng “fine tradition” ng Liberation Army (PLA) ng kanyang bansa.
“The PLA stands ready to offer emergency assistance to the people,” sabi ni Lu sa press briefing sa Beijing na ang transcript ay ipinaskil sa official website ng Chinese Embassy sa Manila.
Iniulat kamakailan ng Chinese state media na pinalapag ng China ang isang military aircraft sa Kagitingan Reef noong Linggo upang ilikas ang tatlong sugatang construction worker at dalhin sa Hainan Island para gamutin.
Ito ang unang pagkakataon na lumapag ang isang military plane sa pinagtatalunang lugar na pinatayuan ng artipisyal na isla ng China.
Iprinotesta ng gobyerno ng Pilipinas ang mga nakaraang test flight ng China sa pinagtatalunang Kagitingan Reef, sinabing ang mga aksiyong ito “elevated tensions and anxiety in the region and are in violation of the spirit and letter of the Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-China Declaration of Conduct in the South China Sea (DOC).” (Roy Mabasa)