EFREN_BATA_REYES_BILLIARDS_PH_NATIONAL_GAMES

Makakasagupa sa unang pagkakataon ng dalawa sa mga Pilipinong world class billiard champion na sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante ang pinakaastig na mga kalaban mula sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa.

Sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Atty. Jose Luis Gomez na ang pagsabak nina Reyes at Bustamante ay bahagi ng programa ng ahensiya na mabigyan ng kasanayan ang mga kababayan nating nasa piitan.

“We organized a billiards tournament among the inmates inside the Bilibid,” sabi ni Gomez. “And then ang kanilang pinakapremyo ay ang makaharap at makalaban ang kanilang iniidolo na sina Efren at Django.”

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Malaking tulong ito sa rehabilitasyon ng mga inmates dahil hindi lamang nawawala ang kanilang kalungkutan kundi natututo pa sila magbago sa pamamagitan ng physical fitness at nagkakaroon sila ng pag-asa na darating ang araw ay puwede rin silang maging kampeon,” sambit ni Gomez.

Isasagawa ng PSC katulong ang binuo na Sports and Recreations Office (SARO) ng New Bilibid Prison ang duwelo ng mga inmate laban sa dalawang pamosong billiard champion sa Abril 23.

Ang NBP ay nagsisilbing tahanan sa mahigit 15,000 inmates sa buong bansa na kasalukuyang dinidinig ang kani-kanilang mga kaso.

Isinasagawa naman ng SARO ang iba’t-ibang sports programs tulad ng basketball, tennis, billiards, badminton, chess at futsal.