NIYANIG ng 6.5-magnitude na lindol ang timog-kanlurang isla ng Kyushu sa Japan nitong Huwebes ng gabi, Abril 14.
Nitong Sabado, isang mas malakas na lindol na naitala sa magnitude 7.3 ang naramdaman sa kaparehong rehiyon. Nasa 41 katao ang nasawi sa magkasunod na trahedya, at maraming iba pa ang pinaniniwalaang nakalibing sa ilalim ng gumuhong mga bahay at gusali.
At nitong Linggo, Abril 17, naminsala ang pinakamalakas na lindol sa nakalipas na mga taon, may lakas na magnitude 7.8, at winasak ang Ecuador sa Pacific Ocean. Ang sentro ng pagyanig ay malapit sa may kakaunting populasyon na lugar ng mga pangisdaan at pantalan, ngunit maraming gusali ang gumuho sa bayan ng Pedernales at sa mga siyudad ng Manta, Poroviejo, at Guayaquil. Makalipas ang dalawang araw, umabot na sa 413 ang bilang ng nasawi.
Hanggang ngayon, kakaunti lang ang alam natin tungkol sa lindol at pagsabog ng bulkan, maliban na lang sa may kaugnayan ang mga ito sa paggalaw ng continental plates sa ilalim ng lupa. Nagkakaroon ng tensiyon sa pagkikiskisan ng plates, hanggang sa mailabas ito sa paraan ng biglaang lindol.
Marami sa mga nagkikiskisang plates na ito ay matatagpuan sa Pacific Ocean, mula sa Australia at Indonesia sa timog, nasa hilaga ang Pilipinas at Japan, sa hilaga-silangan ang Kuriles hanggang Alaska, at sa timog, sa bahagi ng kanlurang North America, Mexico, Central America, at South America. Ito ang tinatawag na “Ring of Fire” sa paligid ng Pasipiko, at saklaw nito ang Japan at Ecuador.
Mayroon na ngayong pag-aaral na nag-uugnay sa paggalaw ng mga planeta sa pagyanig sa mundo. Ayon sa nasabing teorya, ang paghilera ng mga planeta ay lumilikha ng puwersa na nakaaapekto sa Earth. Sa unang bahagi ng buwang ito, isang video ng Solar Watcher sa YouTube ang nagbabala sa posibleng mga pagyanig dahil sa paghilera ng Venus, Jupiter, Mercury, Venus, at Neptune at ito ang ikinokonsiderang paliwanag sa inaasahang magnitude-7 na mga lindol sa loob ng siyam na araw, Abril 14-22.
Nilindol ang Japan noong Abril 14 at 16, habang Abril 17 naman niyanig ang Ecuador. Ngayon, ang mga nakasubaybay sa pag-aaral ng Solar Watcher at sa babala nito tungkol sa mapanganib na panahon ng Abril 17-22, ay nakaantabay sa posibilidad ng malalakas na lindol sa ilang “possible locations”, kabilang ang Sea of Okhotsk sa kanlurang Pasipiko, Argentina, Italy, Kyrgyztan, at Tajikistan.
At dahil ang Pilipinas ay nasa “Ring of Fire”, isang karaniwang lokasyon ng lindol at pagsabog ng mga bulkan, mahalagang maging alerto tayo. Nagsagawa tayo ng earthquake drill sa Metro Manila noong Hulyo 2015, sa layuning maihanda ang mamamayan sa lindol at maiwasan ang pagkataranta sakaling yumanig ang hanggang magnitude 7.2—ang “Big One”—sa rehiyon at sa mga karatig lalawigan. Dapat nating tandaan ang mga natutuhan sa nasabing drill at isaisip ang aral nito partikular na sa mga susunod na araw.