Mga laro ngayon
(Smart-Araneta Coliseum)
4:15 n.h. -- Ginebra vs Rain or Shine
7 n.g. -- Talk ‘N Text vs Alaska
Ubusan ng lakas at tibay ang duwelo sa pagitan ng Barangay Ginebra at Rain or Shine gayundin ang harapan ng defending champion Tropang Talk ‘N Text at Alaska sa larong nakataya ang semifinal slot ngayon sa OPPO-PBA Commissioner’s Cup quarterfinal round sa Smart-Araneta Coliseum.
Target ng Painters at Texters na makumpleto ang dominasyon sa quarterfinal series sa muling pakikipagtuos sa kani-kanilang karibal. Nakatakda ang laro ng Ginebra at ROS sa 4:15 ng hapon, habang magkakasubukan ang Texters at Aces sa 7:00 ng gabi.
Naipuwersa ng ROS at TNT ang ‘sudden death’ nang magwagi laban sa may ‘twice-to-beat’ na karibal kung saan ginapi ng Texters ang Aces, 106-99; habang naungusan ng Painters ang Kings, 88-84, nitong Linggo.
Umaasa si ROS coach Yeng Guiao na magkakaroon ng patas na tawagan sa muli nilang paghaharap ng Kings.
“Bakit pag ako ang bilis bilis nilang tawagan ng technical, pag sila bigay ng bigay?,” ani Guiao na nagreklamo sa hindi pagtawag sa panay din ang reklamong si coach Tim Cone noong unang laban nila sa quarterfinals.
“Kung di ko pa sinabihan yung ref, hindi nila tatawagan, puwede ba yan?,” dagdag nito.
Muling sasandigan ni Guiao, upang makumpleto ang upset kontra sa third seed Kings, sina Jeff Chan, import Mo Charlo, Paul Lee, rookie Maverick Ahanmisi at Raymund Almazan.
Sa tampok na laban,magtatangka din ang Tropang Texters na makumpleto ang upset sa second seed Aces upang makausad ng semifinals at patuloy na buhayin ang kanilang tsansang makabalik sa finals at maipagtanggol ang hawak na titulo ng mid-season conference. (MARIVIC AWITAN)