KASABAY ng pagtindi ng init na bunsod ng El Niño, tumitindi rin ang mga panawagan hinggil sa mabilis na pagpapalabas ng pondo para sa mga kalamidad. Hindi dapat magpaumat-umat ang gobyerno sa pagtustos sa pangangailangan ng mga sinasalanta ng mahabang tagtuyot, lalo na ng mga magsasaka at mangingisda na halos wala nang kinikita para sa kanilang mga pamilya. Bilyun-bilyong pisong El Niño funds ang sinasabing iniipit ng mga awtoridad sa kadahilanang kaduda-duda sa sambayanan.

Masyadong nakababahala na ang epekto ng tagtuyot hindi lamang sa agrikultura kundi maging sa ating kalusugan. Ang pabagu-bagong klima o climate change na sanhi ng pagsira sa kalikasan ay inaasahang magtatagal pa at magdudulot ng ibayong pinsala.

Kailangan ngayon ang puspusang pagpapaigting ng pagsaklolo sa mga mambubukid sa pamamagitan ng pagkansela sa irrigation fees at sa pagkakaloob ng crop insurance assistance; kaakibat ito ng pamamahagi ng mataas na kalidad ng binhi at iba pang agricultural implements at mga abono.

Sa Pangasinan at sa Nueva Ecija, dapat malipol kaagad ang army worms na puminsala sa mga palayan at sibuyasan o onion plantation. Daan-daang ektaryang sibuyas ang hindi pinakinabangan at marapat na ito ay muling matamnan ng naturang produkto; pininsala rin ng nabanggit na peste ang iba pang gulayan na dapat nailuluwas sa Metro Manila at sa mga karatig na lalawigan. Sa gayon, hindi na masyadong magugutom ang mga magbubukid at mapilitang mistulang mamalimos ng bigas sa pamahalaan, tulad ng nakapanlulumong eksena sa Kidapawan City.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Dapat atupagin ng administrasyon ang walang humpay na cloud-seeding operation upang ulanin ang mga bukuring ngayon ay masyadong natitigang; nasasaid na rin ang iba nating mga dam na nagpapatubig sa mga bukirin. Pati ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ay sumaklolo na rin sa ganitong panawagan. Iniatas nito sa mga parokya ang paglulunsad ng oratio imperata, ang panalangin na humihingi ng ulan. Kahawig ito ng prusisyon ng San Isidro de Labrador na may gayon ding misyon.

Isaisip na mapanganib ang heat stroke na sanhi ng sobrang init ng El Niño. Dalawang malapit na kamag-anak ang naging biktima ng matinding init na lalo pang pinatindi ng nakadidismayang brownouts.

Ang tagtuyot sa bukirin ay hindi dapat palubhain ng tagtuyot sa pondo ng El Niño na hinihinalang iniuukol sa kapakanan ng masasakim na kandidato. (Celo Lagmay)