Dapat itong alalahanin ng mga kandidato.

Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na ang mga televised debate na walang pahintulot ng poll body ay hindi exempted sa mga limitasyon na itinakda ng komisyon alinsunod sa Fair Elections Act.

“We also have regulations regarding these that need to be followed. All debates that are not Comelec-enabled shall be deducted from their (mass media campaign advertisement) limits,” pahayag ni Comelec Chairman Andres Bautista sa isang forum sa Manila.

Batay sa Comelec Resolution No. 10049, ang mga kandidato at mga rehistradong partido politikal para sa national elective position ay pinapayagan ng hindi lalagpas sa 120 minuto ng television advertising, sa bawat istasyon, sila man ay lumabas sa national, regional, o local, free o cable television, at 180 minuto ng radio advertising, sa bawat istasyon, ito man ay isinahimpapawid sa national, regional, o local radio, binili o donasyon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa kabilang dako, ang mga kandidato at rehistradong partido politikal para sa local elective position ay pinapayagan na magkaroon ng hindi lalagpas sa kabuuang 60 minuto ng television advertising, sa bawat istasyon, ito man ay sa national, regional, o lokal, free o cable television, at 90 minuto ng radio advertising, sa bawat istasyon, ito man ay sa national, regional, o local radio, binili man o donasyon.

Ang mga paglabag sa mga probisyon ng Comelec Resolution No. 10049 ay katumbas ng election offense, na may parusang isa hanggang anim na taong pagkakakulong, pag-alis sa karapatang bumoto, at diskwalipikasyon sa paghawak ng public office.

Nag-organisa ang Comelec ng tatlong presidential at isang vice presidential “PiliPinas Debates 2016” kasama ang mga media partner nito ngunit nagbabalak din na magsagawa ng mga debate ang ibang media entities.

Samantala, ibinunyag ni Bautista na limang podium ang itatayo sa entablado para sa huling presidential debate sa Abril 24.

“The podium will be left on stage even if the candidate fails to attend the debate,” aniya.

Gaganapin sa University of Pangasinan sa Dagupan City, ang huling presidential debate ay pangungunahan ng Manila Bulletin at ABS-CBN. (Leslie Ann Aquino)