Cavs, pinahirapan ng Pistons; Spurs, dominante.
CLEVELAND (AP) — Hirap man laban sa matikas at batang koponang Detroit Pistons, sinimulan ng Cleveland Cavaliers ang kampanya na makabalik sa NBA Finals sa pahirapang 106-101 panalo, Linggo ng gabi (Lunes sa Manila) sa Game 1 ng kanilang Eastern Conference first round playoff series.
Kumawala si Kyrie Irving para sa impresibong 31 puntos sa kanyang unang playoff game mula nang ma-injured sa Game 1 ng NBA Finals sa nakalipas na season, habang kumana si Kevin Love ng 28 puntos.
Hataw naman si LeBron James sa nakubrang 22 puntos at 11 assist para sa top-seeded Cavs, liyamadong mangunguna sa ikalawang sunod na taon sa Eastern Conference.
Ngunit, kailangan nilang magpakataas pa ng level para maisakatuparan ang layuning makabalik sa NBA Finals.
Hindi madaling naipagpag ng Cavs ang Pistons, nakapanalo sa Cleveland ng tatlong beses sa regular season, sa matikas na opensa na tinampukan ng 15 three-pointer. Sa huli, ang kakulangan sa karanasan ang sanhi ng kanilang kabiguan.
Nanguna sa Detroit si sophomore Kentavious Caldwell-Pope sa naiskor na 21 puntos, habang tumipa si Marcus Morris ng 20 puntos para sa Pistons, naglaro sa playoff sa kauna-unahang pagkakataon mula noong 2009.
Kumubra si Andre Drummond ng 13 puntos at 11 rebound.
Host muli ang Cavs sa Quicken Loans Arena sa Game 2 sa Martes (Miyerkules sa Manila).
SPURS 106, MEMPHIS 74
Sa San Antonio, magaan at naging madali sa Spurs ang paggapi sa Memphis Grizzlies sa opening ng kanilang Western Conference first round playoff.
Hataw si Kawhi Leonard sa naiskor na 20 puntos, habang nagsalansan si LaMarcus Aldridge ng 17 puntos at kumana si Tony Parker ng 15 puntos at anim na assist.
Gaganapin muli ang Game 2 sa AT&T Center kung saan matikas ang marka ng Spurs sa regular-season.
Humirit ang San Antonio ng 68 porsiyento sa field goal sa third quarter para higitan ang Memphis, 33-14, at hilahin ang dikit na iskor sa halftime sa double digits na bentahe.
Nanguna si Vince Carter sa Grizzlies sa naiskor na 16 puntos, habang nalimitahan si Zach Randolph sa anim na puntos mula sa 3-for-13 shooting.
HEAT 123, HORNETS 91
Sa Miami, tiniyak ni Luol Deng na hindi malilimot ang post season debut niya sa kampo ng Heat.
Ratsada si Deng sa nakubrang 31 puntos para sa pinakamatikas na laro bilang Heat, habang kumawala si Hassan Whiteside sa naitumpok na 21 puntos at 11 rebound sa Game 1 ng kanilang playoff opener.
Naitala ng Miami ang playoff scoring record matapos burahin ang 121 puntos na naitala noong 2012 NBA Finals clincher laban sa Oklahoma City Thunder.
Host muli ang Heat sa Game Two sa Miyerkules (Huwebes sa Manila).
Humugot si Dwyane Wade ng 16 puntos, habang nag-ambag sina Joe Johnson at Amare Stoudemire ng tig-11 puntos.
Nanguna si Nic Batum sa Hornets sa natipang 24 puntos.