SA katatapos na debate nitong Linggo ng mga kumakandidato sa pagka-pangalawang pangulo, hindi dumalo sina Sen. Bongbong Marcos at Sen. Honasan. Makikita sa hindi pagsipot na ito ng dalawa kung ano ang mangyayari sa huling debate ng mga presidentiable. Malamang na hindi na rin dumalo rito si VP Binay, gaya ng ginawa ng kanyang ka-tandem na si Honasan. Kasi, sa mga nakaraang debate sa pagitan ng presidential at vice-presidential candidate, napahaba ang oras ng mga ito sa isyu ng katiwalian. Pinutakte sina VP Binay at Sen. Marcos ng kanilang mga katunggali sa isyung ito.

Sa unang debate ng mga kandidato para bise-presidente, may mga sinabi si Sen. Marcos sa pagsangga niya sa mga batikos sa kanya at sa kanyang mga kapamilya tungkol sa katiwalian at paglabag sa karapatang pantao. Nang sabihin ni Marcos na ang 27 taon niyang panunungkulan ay hindi nabahiran ng corruption, sumagot si Sen. Cayetano: “Ninakaw ng kanyang pamilya ang 10-bilyong dolyar ng bansa. Inilagay niya ang P205 milyon ng kanyang PDAF sa NGO ni Napoles, hindi ko alam kung ito ang ibig mong sabihin sa hindi ka nabahiran.”

Ang tanging naisagot ni Marcos ay gawa-gawa lang ni Cayetano ang numero.

Ayon din kay Marcos, hinarap ng kanyang pamilya ang lahat ng kasong isinampa laban sa kanila. Sinunod daw nila ang lahat ng order ng mga korte. Pero ipinagunita ni Congresswoman Leni Robredo sa kanya na may desisyon ang korte ng Singapore at Amerika laban sa kanila tungkol sa nakaw na yaman. Nang igiit ng Kongresista na isauli na ng mga Marcos ang nakaw na yaman na ito, hindi raw niya maibibigay ang wala sa kanya at hindi raw niya alam ito.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Tungkol naman sa salaping iginawad ng korte ng Amerika sa mga biktima ng human rights violation, inaagaw daw ito ng gobyerno na pinamamahalaan ng Liberal Party, ayon kay Marcos. Dapat daw ay alisin na ng gobyerno ang interes dito para maibigay na ang pera sa human rights victims.

Naiwang bukas ang mga isyung ito sa unang debate. Kung sumipot si Sen. Marcos sa pangalawang debate, maaaring luminaw pa ang mga ito nang lubusan. Palilinawin ni Cayetano ang numerong sinabi ni Marcos na gawa-gawa lang niya.

Masasagot ni Robredo ang tinuran ni Marcos na ang sagabal sa pagkuha ng bansa sa nakaw na yamang ipinababalik sa kanila ng korte ng Singapore at Amerika ay ang gobyerno ng kanilang partido.

Sa PCGG, hindi totoo ang sinabing ito ni Marcos. Sa ikabubuti ng kandidatura ni Marcos ang hindi niya pagsipot sa ikalawang debate, dahil maitatago pa niya ang dapat na malaman ng mamamayan na masama sa kanya. Makabubuti rin ang paraang ito para kay VP Binay. (Ric Valmonte)