Ipinagkibit-balikat lang ng Palasyo ang ikalawang sunod na pagbulusok ng public satisfaction rating ni Pangulong Aquino, base sa huling survey ng Social Weather Station (SWS).
Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., hindi nila dapat ikabahala ang muling pagbagsak ng rating ni PNoy dahil maituturing na mataas pa rin ito para sa isang pangulo na malapit nang magtapos ang termino.
Lumitaw sa huling survey ng SWS na pumalo ang net satisfaction rating ni Aquino sa +27, pinakamababang naitala simula Hunyo 2015.
“Overall rating (+27) is still high for a President who is completing the last semester of his term,” ani Coloma.
Sa kabila nito, tiniyak ni Coloma na patuloy ang serbisyo ng Pangulo sa mga “boss” nito.
“President Aquino has always worked for the welfare and well-being of our Bosses—regardless of survey ratings,” pahayag ni Coloma.
Sa survey na isinagawa ng SWS nitong Marso 30-Abril 2, sa pamamagitan ng face-to-face interview sa 1,500 respondent, lumitaw na 57 porsiyento ang nagsabing kuntento sila sa trabaho ng Pangulo habang 30 porsiyento ang nagsabing hindi sila kuntento. Labing-apat na porsiyento ang hindi naman nakapagdesisyon sa naturang usapin.
Ang survey question: “Please tell me how satisfied or dissatisfied you are in the performance of Benigno Aquino III as President of the Philippines. Are you very satisfied, somewhat satisfied, undecided if satisfied or dissatisfied, somewhat dissatisfied, very dissatisfied or you have not heard or read anything about Benigno Aquino III?”
(JEFFREY G. DAMICOG)