Buhay pa ang kampanya sa titulo ng Far Eastern University at Adamson University sa UAAP Season 78 volleyball championship.

Kapwa naitumba ng Lady Tams at Falcons ang top seeded na karibal sa Final Four at maipuwersa ang ‘sudden death’ para sa karapatang makausad sa championship match.

Tinalo ng Lady Tams, ang No. 3 seed sa women’s division, sa makapigil-hiningang five-set duel ang liyamadong La Salle Lady Spikers, 15-25, 23-25, 25-23, 25-21, 16-14 nitong Linggo sa MOA Arena.

Pinangunahan ni third year outside hitter Bernadeth Pons ang atake ng FEU sa naitumpok na 20 puntos, lahat mula sa spike, habang kumana si skipper Mary Palma ng 18 puntos at tumipa si sophomore Toni Basas ng 17 marka.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nagbubunyi na ang mga tagahanga ng La Salle nang makuha ang unang dalawang set, ngunit napalitan ng lungkot at pangamba ang kanilang mga mukha nang makapanalo ang FEU sa third set at nagtuloy-tuloy sa krusyal na sandali.

“Actually kahit sa practice ganoon ang nangyayari sa amin, sa mga tune up namin,” pahayag ni FEU coach Shaq de los Santos.

“Pero ’yun nga nakikita namin na nakaka-recover naman sila. Kaya kanina kahit nakuhaan kami ng dalawang sets, honestly speaking, hindi kami nawawalan ng pag-asa,” aniya.

Tulad ng FEU, hindi rin nawalan ng pag-asa ang Adamson para gapiin ang No. 2 at may ‘twice-to-beat’ ding National University, 23-25, 25-17, 25-21, 25-22, sa men’s competition.

Hataw si Dave Pletado sa nakubrang 16 puntos at kumubra si Jerome Sarmiento ng 14 puntos para sa No. 3 seed Soaring Falcons.

Target ng Adamson at FEU na makumpleto ang paninilat sa Game 2 sa Miyerkules.

Naghihintay para sa championship round ang reigning women’s titlist Ateneo Lady Eagles at men’s finalist Blue Eagles na kapwa umabante sa dominanteng panalo kontra sa University of the Philippines.

“Siguro, sa akin, prayers,” sambit ni Adamson coach Domeng Custodio. “Pangalawa, ngayon lang ako nagkaroon ng kumpyansa masyado sa players ko parang, palagi akong nakatawa. Sabi ko kasi sa mga bata, ’di bale matalo basta lumalaban lang, may fight lang mayroong puso, talino at saka… nakalimutan ko na kasi excited ako eh,” aniya.