ANG Abril ay “Panagyaman Rice Festival Month”, sa bisa ng Proclamation No. 606 na ipinalabas noong Abril 19, 2004, bilang pagbibigay-pugay sa mga magsasakang Pilipino at sa kanilang mga pamilya, pasasalamat sa kanilang saganang ani, at pagkilala sa kanilang kasipagan at mga sakripisyo sa pagbubungkal ng lupa upang makapagtanim ng palay at iba pang pananim na magkakaloob ng pagkain sa bawat tahanan. Ito ang unang pambansang selebrasyon na inialay sa tagumpay ng maliliit na magsasaka, ang gulugod sa kampanya upang maibsan ang kahirapan at labanan ang pagkagutom. Malawakan ang pagkilala sa hindi matatawarang kontribusyon ng mga magsasaka sa pambansang ekonomiya, pagsulong sa agrikultura, at seguridad sa pagkain.
Ang “Panagyaman” ay salitang Ilocano para sa pasasalamat. Nagdaraos ang sektor ng agrikultura ng mga kapistahan na nakatuon sa kahalagahan ng bigas sa pagkain at kultura ng mga Pilipino sa mga lalawigan sa tatlong rehiyon na nangunguna sa produksiyon ng bigas; ang Central Luzon, ang rice granary ng Pilipinas; Cagayan Valley; at Western Visayas. Ang mga lalawigan sa Gitnang Luzon—ang Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, at Zambales—ang pinakamalalaking supplier ng bigas. Ang Nueva Ecija ay tinaguriang “bread basket” dahil sa kakayahan nitong mag-ani ng maraming palay.
Hinihimok na rin ang produksiyon ng heirloom rice varieties – tinawon, unoy, ulikan, hungduan, jekota, ingud-pur, minaangan – sa hagdang palayan ng Cordilleras at sa ilang komunidad sa matataas na lugar sa Mindanao. Isinusulong ang pagtatanim ng espesyal na uri ng palay bilang mahalaga at natatanging sangkap ng lutuing Pilipino. Nakakukuha ng suporta ang mga nagtatanim ng heirloom rice upang sumigla pa ang kanilang ani, habang pinananatili ang mga tradisyong kaakibat ng katutubong produksiyon. Ayon sa mga pag-aaral, ang heirloom rice ay higit na masustansiya kumpara sa karaniwang uri ng bigas.
Pinagtitipun-tipon ng Panagyaman ang mamamayan at mga komunidad, sa pamamagitan ng makukulay at masasayang kapistahan, mga awitan, street dancing, float parade, agro-industrial at trade fairs, at sportsfest. Ang bigas ay isang pangunahing bahagi ng kulturang Pilipino. Dalawang rice rituals – Ani at Mannalon – ang isinasagawa sa Ilocos Norte; Pahiyas sa Quezon; Bakle ad Nagacadian sa Ifugao; Agawan ng Suman sa Tayabas bilang pagbibigay-pugay kay San Isidro Labrador, ang patron ng mga magsasaka; Sinanggiyaw sa Cebu; at Pasalamat sa Negros Occidental.
Ang palay, isa sa mga pinakaunang itinanim ng sangkatauhan, ay kinokonsumo sa lahat ng panig ng mundo, ngunit ito ang pinakamahalagang inaani sa Asia. Ginagamit ng mga Pilipino ang bigas sa maraming pagkain, gaya ng kakanin, tapuy, rice tea o coffee. Sa Indonesia, ang Rice Mother o Dewi Sri, isang diyosang Hindu, ay sinasamba ng mga magsasaka, na nagsisipag-alay ng mga binasang bigas sa mga templo upang matamo ang mga katangian ng Rice Mother. Sa Thailand, ipinagdiriwang sa Rice Plowing Festival ang papel ng mga magsasaka, sa pamamagitan ng pagtaya sa buhos ng ulan at kasaganahan ng ani ng Phraya Reek Na o Festival Lord. Sa Vietnam, ang Tet or Tet Ha Nguyen ang pinakamalaking kapistahan ng bigas ng mga magsasaka.