DAGUPAN CITY, Pangasinan – Inaasahan ang pagdalo ng lahat ng kandidato sa pagkapangulo sa PiliPinas 2016 Presidential Town Hall Debate sa Linggo, Abril 24, sa Phinma University of Pangasinan sa lungsod na ito.
Ito ang huling paghaharap at tagisan ng mga naglalayong mamuno sa bansa, bago ang eleksiyon sa Mayo 9.
Inaasahan ang pagdalo sa debate nina Vice President Jejomar Binay, Senator Miriam Defensor-Santiago, Davao City Mayor Rodrigo Duterte, Sen. Grace Poe, at dating Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas.
May pagkakataon muli ang publiko na mapakinggan ang bawat kandidato at piliin sa mga ito ang nararapat na mamuno sa bansa sa susunod na anim na taon.
Sa naunang panayam kay Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, na siya ring presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na may tatlong mahalagang ikonsidera sa pagpili sa susunod na leader ng bansa.
Ang mga ito, ayon kay Villegas, ay ang character ng kandidato, kakayahang manungkulan, at pagiging inspiring at honorable.
“Una, tingnan sana ang character, ‘pagkat kung ano ang character ng isang tao at publicly, maaasahan na gagawin niya iyon sa gobyerno. Pangalawa ay kakayahan at hindi dahil gusto ay iboboto na natin. Tingnan natin, kaya ba niyang mamuno? At pangatlo, siya ba ‘yung kapani-paniwala, inspiring leader? Ang leader na kapag na-elect natin, ang tawag natin sa kanya ay honorable, ibig sabihin ay marangal? Ibig sabihin exemplary. Kaya ba natin siyang tawaging honorable?” ani Villegas. (Liezle Basa Iñigo)