“Mas mabuti na ang maagap at handa kaysa magsisi sa huli.” Isa lang ito sa mga kasabihang Pinoy, ngunit ito rin kaya ang paiiralin ni “Juan” sakaling biglang lumindol sa bansa?
Ito ang malaking katanungan ngayong magkakasunod ang malalakas na pagyanig sa iba’t ibang panig ng mundo.
Nitong nakaraang linggo, magkakasunod na niyanig ang Japan—magnitude 6.5 noong Huwebes at magnitude 7.3 ng Sabado—at ang huli, nitong Linggo, nasa magnitude 7.8 naman ang lindol sa Ecuador, na nagdulot ng matinding pinsala sa nasabing bansa.
Sa Pilipinas, Marso ng kasalukuyang taon nang maitala ang apat na magkakahiwalay na lindol sa ilang bahagi ng Luzon.
Niyanig ang Camarines Sur (magnitude 4.5), Nueva Vizcaya (3.8), Tingloy sa Batangas (2.1), at Puerto Galera sa Oriental Mindoro (2.4). Ang huli, nitong Abril 14, ay naitala sa Zamboanga City, at tatlong katao ang nasugatan sa magnitude 6 na pagyanig.
Dahil sa social media, partikular na sa Facebook at Twitter, mabilis na nalalaman ng ating mga kababayan kapag may nangyayaring sakuna, dito man o sa ibang bansa. Isang post lang ng: “Grabe! Naramdaman n’yo ba ‘yun? Lumindol! Keep safe guys. #PRAY” ay agad nang maaalerto ang mga Pinoy. Ngunit sapat na ba ito? Anu-ano nga ba ang mga dapat gawin kapag lumindol?
Kapag lumindol at nasa loob ng gusali, gawin ang “duck, cover, hold”—yumuko, protektahan ng mga kamay at braso ang ulo, at magtago sa ilalim ng mesa. Kapag inabot ng lindol sa kalsada, magtungo sa isang bakantang lote o open space, malayo sa mga puno, poste ng kuryente, pader, at ibang istruktura na maaaring gumuho o tumumba. Kapag nagmamaneho naman, ihinto at itabi ang sasakyan, at iwasang tumawid sa tulay, overpass, o sa ilalim ng footbridge.
Hindi natutukoy ang petsa, oras at lugar ng lindol kaya mahalagang laging maging alerto at handa. Tandaan na dasal pa rin ang pinakamabisang paraan upang makaligtas sa anumang sakuna. (Ellaine Dorothy S. Cal)