Ipinaaresto kahapon ng Sandiganbayan si dating Laguna Governor Emilio Ramon “ER” Ejercito makaraan itong mabigong sumipot sa arraignment nito sa kinakaharap na kasong graft kaugnay ng umano’y maanomalyang insurance deal noong 2008.

Bago nagpalabas ng warrant of arrest ang 4th Division ng anti-graft court, naghain muna ng medical certificate ang abogado ni Ejercito na nakasaad na nakaratay ang dating gobernador sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City kaya hindi makadadalo sa pagbasa ng sakdal sa kanya.

Iginiit ng abogado ni Ejercito na nakararanas ang huli ng “community acquired pneumonia”, ngunit ibinasura ng korte ang medical certificate na inihain ng kampo ng dating gobernador at sinabing pinagdududahan nila ang authenticity ng nasabing dokumento.

Ayon sa hukuman, binago umano ang confinement date ni Ejercito sa naturang ospital.

National

32 katao naitalang naputukan; FWRI cases sa bansa, pumalo na sa 101!

Binanggit ng korte na nangyari ang insurance deal para sa mga bangkero at turista sa Pagsanjan Falls noong alkalde ng Pagsanjan si Ejercito mula 2001 hanggang 2010.

Matatandaang pinagtibay ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaso laban kay Ejercito at sa walong iba pa dahil sa nasabing insurance deal sa First Rapids Care Ventures (FRCV), kahit walang public bidding.

Bukod kay Ejercito, kinasuhan din ng graft sina incumbent Pagsanjan Vice Mayor Terryl Talabong, dating Vice Mayor Crisostomo Vilar, at mga dating konsehal na sina Arlyn Torres, Kalahi Rabago, Erwin Sacluti, Gener Dimaranan, at Ronald Sablan. Kinasuhan din ang may-ari ng FRCV na si Marilyn Bruel. (Rommel P. Tabbad)