“Lima-singko ang kanilang mga plataporma. Pero kami ni Mayor (Rodrigo) Duterte, we will just do it.”

Ito ang pangako ng vice presidential candidate na si Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano sa katatapos na “Harapan ng Bise” vice presidential debate na inorganisa ng ABS-CBN nitong Linggo.

Sa unang bahagi ng debate, binigyan ng tigdalawang minuto ang mga kandidato para iprisinta ang kanilang mga plataporma para tugunan ang mahahalagang isyu, kabilang ang kurapsiyon, edukasyon, kalusugan, trabaho, at peace and order.

Sinabi ni Cayetano, na katambal ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte, na kabilang sa plataporma ng kanilang tandem ang tatlong pangunahing agenda: pederalismo, anti-crime, at anti-corruption.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sakali aniyang mahalal, ipatutupad nila ni Duterte ang matapang na solusyon para sugpuin ang krimen at kurapsiyon sa loob ng anim na buwan ng kanilang termino at tanging ang pederal na gobyerno ang magbibigay ng inclusive growth sa bansa.

Iginiit ni Cayetano na nagawa na nila ni Duterte na posible ang pagbabago sa Taguig at Davao, habang nangangako pa lang ang kanilang mga katunggali sa taumbayan para sa tunay na pagbabago.

“May plano po kami, may programa po kami. Sila, ipinapangako pa lang nila, kami nagawa na namin sa Davao at Taguig,” diin ng senador.

Paliwanag ni Cayetano, walang silbi ang magandang plataporma kung walang political will at good leadership qualities.

“Ang problema ay hindi ang plataporma. All the master plans are there. Ang problema ay leadership. We need leadership with political will,”dugtong ni Cayetano, sinabing tanging sila ni Duterte ang magbibigay nito sa mamamayan. (Bella Gamotea)