KAWAWA sina Rocco Nacino, Gabbi Garcia, Ruru Madrid, Sanya Lopez at Kylie Padilla sa Encantadiks (tawag sa fans ng Encantadia) na walang bilib na kaya nilang gampanan nang mahusay, higitan at pantayan man lang sina Alfred Vargas, Karylle, Dingdong Dantes, Diana Zubiri at Iza Calzado, ang mga unang gumanap sa roles na ibinigay sa kanila sa requel ng fantaserye, respectively.
Kaya siguro nag-post sa Instagram (IG) si Ruru ng kanyang saloobin sa pagkakapili sa role ni Ybarro.
Sabi niya: “Isang malaking karangalan sa akin ang maging part ng Encantadia at gampanan ang role ni Ybarro na dating ginampanan ni Dingdong Dantes. Hindi lang ako masaya para sa sarili ko masaya din ako para sa aking ka-love team na gaganap bilang Alena. Masaya rin ako para sa mga Gabru supporters dahil natupad din ang kanilang mga panalangin..
Asahan ninyo po na lalo po kami magpupursige na pagandahin ang Encantadia at ibibigay po namin ang best namin para kayo po ay matuwa...Salamat po ng marami. Avisala.”
Hindi naman lahat bashers, dahil may natuwa na si Ruru ang gaganap na Ybarro at sila ang mga nagsabing huwag na nitong intindihin ang bashers. Gawin na lang daw niya ng mabuti ang kanyang trabaho para mapahiya ang bashers at haters niya.
Samantala, bago mapanood si Ruru sa Encantadia, mapapanood muna sila ni Gabbi sa political satire na Naku, Boss Ko. Two weeks ang airing nito, simula April 25, 10:15 PM, bago mag-Saksi. Ang GMA News & Public Affairs ang nasa likod nito na ang objective ay gabayan ang mga botante na pumili ng karapat-dapat iboto. (NITZ MIRALLES)