INAPRUBAHAN ng Constitutional Commission na bumuo sa 1987 Constitution ang isang multi-party system bilang paghahanda sa parlamentaryong uri ng gobyerno. Gayunman, nang isagawa ang pagboto tungkol sa uri ng pamamahala, nagwagi ang presidential laban sa parliamentary system. Ang halu-halong sistema na ito ang umiral sa bansa sa nakalipas na 29 na taon at naging kapaki-pakinabang naman ito para sa atin—maliban na lang sa kailanman ay hindi tayo nagkaroon ng pangulo na humakot ng boto ng mayorya ng mamamayan simula noong 1987. Dahil lagi nang marami ang kandidatong ipiniprisinta ng maraming partido, nahahati ang mga boto kaya nang manalo si Pangulong Fidel Ramos noong 1992 ay nakakuha lang siya ng 23.58 porsiyento ng kabuuang boto; si Pangulong Joseph Estrada na nagwagi noong 1998 ay may 39.8 porsiyento; si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay nahalal noong 2004 sa 39.99 na porsiyento; at si Pangulong Benigno Aquino III ay nanalo noong 2010 sa nakuhang 42.08 porsiyento ng mga boto.
Bago ang 1987, alinsunod sa 1935 at 1973 Constitutions, lahat maliban sa isa sa naging presidente ng bansa ay nakakuha ng mayorya ng mga boto—si Pangulong Manuel Quezon noong 1935 ay nakakuha ng 67.99 na porsiyento, at 86.91 porsiyento naman noong 1941; si Pangulong Manuel Roxas noong 1946 ay may 55.78 porsiyento; si Pangulong Elpidio Quirino noong 1949 ay may 50.93 porsiyento; si Pangulong Ramon Magsaysay noong 1953 ay may 68.90 porsiyento; si Pangulong Diosdado Macapagal noong 1961 ay may 55.05 porsiyento; at si Pangulong Ferdinand Marcos noong 1965 ay may 51.94 na porsiyento; 51.47 porsiyento noong 1969, at 88.02 porsiyento noong 1981. Si Pangulong Carlos Garcia, na nahalal noong 1957 ay mayroon lamang 41.28 porsiyento dahil malalakas din ang dalawa pang kandidato.
Marapat lang na mayorya ng mga botante ng bansa ang maghalal ng pangulo nito. Sa ibang mga bansa na mayroon ding multi-party system, nagsasagawa ng run-off elections o second balloting sa pagitan ng dalawang nagkamit ng pinakamaraming boto upang ang mahahalal ay makakakuha ng mayorya ng mga boto.
Nitong Miyerkules, idineklara ng Commission on Elections ang Liberal Party (LP) bilang dominant majority party sa bansa at ang United Nationalist Alliance (UNA) naman ang dominant minority party. Ang dalawang partidong ito ang binibigyan ng awtorisasyon upang magtalaga ng mga watcher sa bawat voting precinct at canvassing center.
Pagkakalooban din sila ng mga kopya ng election returns na iiimprenta ng mga voting machine, gayundin ng electronically transmitted na resulta sa mga voting precinct, at ng mga certificate of canvass.
Ang mga pribilehiyong ito ay hindi agad na makaaapekto sa magiging resulta ng halalan sa Mayo 9 ngunit sa nakalipas na mga taon, ang dominant majority party at dominant minority party at dapat na manguna mula sa maraming grupong pulitikal. Kalaunan, dapat itong magresulta sa mas malalakas na partido na may kakayahang mangalap ng mayorya ng mga boto para sa kani-kanilang kandidato sa pagkapangulo.
Hanggang sa walang umiiral na matibay na two-party system, gaya ng mayroon sa United States ngayon, sa ating bansa, mamamayagpag ang run-off system na ginagamit din sa may 40 bansa sa mundo, kabilang na ang mga kalapit nating Indonesia at Japan, at ang pinakamalaking demokratiko sa bansa, ang India.