SA ngayon, marami na ring pagbabago sa tahanan ng aking lahi. Sa mga nakalipas na panahon, makailang ulit nang nagpalit ng tagapamuno sa bansa. May pangulo na sa pagkalasing sa tungkulin at ambisyong mamuno habambuhay ay pinairal sa tahanan ng aking lahi ang martial law na tumagal ng 14 na taon. Nagharing-uri sa pamahalaan gayundin ang kanyang mga alipores, sinamantala ang tungkulin at nagpayaman nang husto hanggang sa itinago sa ibang bansa ang mga nakaw na yaman.
Patuloy na namumunini sa kayamanan ang diktador at alipores na naging dahilan ng kahirapan ng mga nakatira sa tahanan ng aking lahi. Ngunit ang paghaharing-uri ng diktador ay nilagot ng isang himagsikan na walang dugong dumanak at buhay na nautas. Hinding-hindi rin mabubura sa kasaysayan ang EDSA People Power Revolution na ang tanging sandata ng mga mamamayan ay pagkakaisa, dasal at mga bulaklak na itinapat sa bunganga ng baril ng mga sundalo.
Sinundan naman ito ng babaeng pangulo. Inaasahan ng mga nakatira sa tahanan ng aking lahi na may malaking pagbabago sa pamahalaan at lipunan. Ngunit nabigo ang mga nakatira sa tahanan ng aking lahi sapagkat nagsalit-salitan lamang ang mga lider na kauri rin ng pinatalsik na diktador. Hindi na rin mabubura ang mga taong nakinabang na nakilala sa tawag na “Kamag-anak Incorporated”. Sinundan ng isang tinawag na “minority president”. Ang nakalulungkot, isinabak sa globalization at trade liberalization ang bansa na wala namang panangga. Ang bunga: maraming pabrika ang nagsara kaya napilitang magtungo sa ibang bansa ang mga taong nawalan ng hanap-buhay.
Ipinagmalaking tiger economy ang tahanan ng aking lahi sa Asia ngunit ang totoo, ang ekonomiya ng bansa ay parang kuting na may muta sa mata. Sa panahon ding iyon pinagtibay ang salot na “Oil Deregulation Law” na pinagkakakitaan ng limpak ng mga dambuhalang oil company.
May naging pangulo rin sa tahanan ng aking lahi na pinalayas sa Malacañang matapos umanong masangkot sa jueteng. Pinalitan siya ng kanyang bise presidente nang magkaroon ng eleksiyon na siyang nagwagi kahit dinaya umano ang nakalabang artista sa pelikula.
Ngunit sadya yatang minamalas ang tahanan ng aking lahi dahil makalipas ang siyam na taong panunungkulan, nakasuhan at dinakip at kasalukuyang naka-hospital arrest.
Nagwagi naman sa pagkapangulo ang tanging anak na lalaki ng unang babaeng naging pangulo. Ang kanyang slogan: “kung walang corrupt, walang mahirap”, at ang “tuwid na daan”. Sa pananaw naman ng mga nakatira sa tahanan ng aking lahi, ang “tuwid na daan” ay lubak-lubak at sa dulo ay bangin. Matatapos na ang anim na taon niyang panunungkulan ngunit hindi pa rin naiangat ang buhay ng mga Pilipino. (Clemen Bautista)