ANG Abril 18 ay World Heritage Day, isang pandaigdigang selebrasyon na nakatuon sa kahalagahan ng pamanang kultura sa buhay, pagkatao, pagkakakilanlan, at komunidad, at nagsusulong ng kamulatan sa pagkakaiba-iba at kahinaan gayundin sa mga pagsisikap upang protektahan at pangalagaan ito.
Pagbisita sa mga monumento at lugar, pagtutulungan sa pagpapanumbalik nito, exhibit ng mga litrato at painting, at pagkakaloob ng parangal sa mga organisasyon o indibiduwal na may mahalagang kontribusyon sa pangangalaga at pagsusulong ng pamanang kultura—ito ang mga aktibidad para sa araw na ito.
Ang pandaigdigang pamana ay isang yaman na pinagbabahagian ng sangkatauhan, isang mahalagang bahagi ng sibilisasyon, isang tagapagpaalala ng mayaman at makulay na nakalipas. Tungkulin ng bawat bansa at ng bawat tao ang pangalagaan at panatilihin ang mga heritage site para mapakinabangan ng kasalukuyan at susunod na mga henerasyon, at protektahan ang mga ito mula sa pinsalang pisikal at aesthetic.
Ang tema ngayong 2016 na “The Heritage of Sports” ay alay sa Olympic Games, na 10,500 atleta mula sa 206 na bansa ang magpapaligsahan sa Rio de Janeiro, Brazil, sa Agosto 5-21, 2016. Kinikilala nito ang papel ng palakasan sa pagpapabuti ng buhay ng sangkatauhan.
Ang sports ang nagbigay-daan sa konstruksiyon ng mga pasilidad (mga stadium, mga ground, mga circuit, mga court) na sumaksi sa ebolusyon ng disenyong arkitektural, paggamit ng teknolohiya, at aesthetic expression sa loob ng maraming panahon. Maraming istrukturang pampalakasan ang naging mahalagang bahagi ng kasaysayan, arkitektura, at mga paraan na kalaunan ay naging bahagi na ng pamanang kultura.
Ang World Heritage Day, na tinatawag ding International Day for Monuments and Sites, ay unang ipinagdiwang sa Tunisia noong Abril 18, 1982, sa isang symposium na inorganisa ng International Council for Monuments and Sites, isang pandaigdigang non-government organization ng mga propesyunal gaya ng mga arkitekto, archaeologist, art historian, geographers, town planner, at anthropologist na gumamit ng teorya, methodology, at mga paraang siyentipiko sa pangangalaga ng mga pamana ng arkitektura at arkeolohiya.
Itinala ng United Nations Educational Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) ang 1,031 World Heritage Site na may “outstanding universal value” hanggang noong 2015, kabilang ang anim sa Pilipinas. Binibigyang-diin ng World Heritage Day ang kahalagahan ng mga ito at ng iba pang mahahalagang lugar bilang tagapagtaguyod ng alaala ng kultura na umaakit ng pamumuhunan, nagpapasigla sa mga lungsod, at nagsusulong ng pandaigdigang pagtutulungan. Tinuturuan nito ang mamamayan sa wastong paggalang at itinataguyod ang respeto at pagpapahalaga sa kultura ng ibang mga bansa.
Ang anim na Heritage Site sa Pilipinas ay ang Makasaysayang Siyudad ng Vigan sa Ilocos Norte; Rice Terraces sa Cordilleras; Subterranean River sa Puerto Princesa City, Palawan; mga Simbahang Baroque (San Agustin sa Intramuros, Maynila; Nuestra Señora sa Sta. Maria, Ilocos Sur; San Agustin sa Paoay, Ilocos Norte; at Sto. Tomas sa Miag-ao Iloilo); Tubbataha Reefs Natural Park sa Sulu Sea/Palawan; at Mt. Hamiguitan Range Wildlife Sanctuary sa Davao Oriental.