Mistulang wala nang kawala sa mga kasong kinakaharap ang naarestong serial rapist na taxi driver matapos tumugma ang ballistic at DNA test sa nakuhang bahid ng dugo mula sa mga biktima nito, kabilang ang isang biyuda at isang 17-anyos na therapist sa Makati City.

Ayon kay PO3 Ronaldo Villaranda, ng Makati City Police, ang suspek na si Nitro Izon, alyas “Ricky Ramos”, 24, ang itinuturong responsable sa panghoholdap at pagpatay kay Teng Santaromana Gamboa, biyuda ng musikero at bokalista ng Tropical Depression na si Dominic “Papadom” Gamboa, matapos tumugma ang resulta ng DNA test na ikinumpara sa nakalap na bahid ng dugo sa sinakyan nitong taxi.

Bukod dito, tugma rin kay Izon ang blood sample na nakuha mula sa isa pa nitong biktimang si Daniel Mercado, 17, freelance therapist, na hinoldap at binaril nito noong Marso 21 sa Malugay Street, Barangay Bel Air, Makati City.

Lumutang kamakalawa sa Makati Police headquarters ang isa sa mga driver na nabiktima ni Izon matapos i-carnap ang ipinapasadang taxi ng una at ginamit sa panghoholdap kaya lalong madidiin ang suspek sa mga robbery at homicide.

ARTA, iraratsada website para sa reklamo sa mga ahensya ng gobyerno

Abril 14 nadakip ng mga pulis si Izon sa San Miguel, Bulacan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Makati at Manila Regional Trial Court. - Bella Gamotea